Wednesday, July 18, 2007

Sa piging ng mga magiging guro, ako'y nagsalita!

“ At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtumining ang kahungkagang nadarama niya kangina pa. At may sumungaw na luha sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya makikilala at hindi rin siya makikilala pa, ng pook na binalikan niya.”

Ikinagagalak ko ang pagpunta dito! Sa ating Dakilang Presidente Wilfredo Lubrico, FMS, Kay Dr. Noemi B. Silva, kay Ginoong Juan E. Almodiente, sa mga mag-aaral ng kolehiyo ng edukasyon, sa ating mga opisyales na bumuo at nagpatulo ng pawis…Sa inyong lahat Magandang Gabi!

Apat na taon, sa apat na taong ito’y naging pugad ang paaralang ito para pagyabungin ang nakatago kong talento at lakas, sa apat na taon ay sinubok ang natural kong kakayahan, bilang mag-aaral! Bilang isang lider! Hindi kaagad- agad maiwawaglit ang mga araw na aking ginugol, mga araw na marahil humubog at lumikha sa akin bilang isang ganap at tunay na tao! Kung maibabalik ko lamang ang mga panahong nalagas, mga panahong nagluluto sa likod ng gym para may ipakain sa manlalaro, panahon na nagpakita sa akin ng tatag at tapang, minsa’y naiisip ko ang kasutilang aking nagawa, nagtatago ako para hindi ako Makita ni Sir Amodiente para wala kaming ensayo sa maluwag na talumpati, ayaw ko kasing nag-eensayo ngunit wala pa rin akong ligtas huli pa rin ako! mga panahong may biglang tumawag sa akin habang nagsususlat ako ng sanaysay para sa kompetisyon dahil nadefault daw ang Basketball girls ng Kolehiyo ng Edukasyon, karaka-raka kung tinapos ito at tumalilis na pumunta sa court!
Hindi ko man sabihin ay namimiss ko ang mga panahong yun! At kailan man, saan man mapadpad ay babaunin ko ang karanasang nagturo sa akin kung papaano maging isang tunay na guro! Ngayon ay inihahabilin ko ang susi ng responsibilidad sa inyong presidente Bonifacio Suravilla III para ipagpatuloy ang sinumulang pakikibaka ng inyong lingkod…
Bago ako magtapos hayaan ninyong tapusin ko ito sa isang pantas:

“ Kung may dalawang batang ang isa’y may libro at ang isa’y wala, lamang ang may libro! Ngunit kung ang may libro’y hindi mahilig magbasa at ang walang libro’y mahilig, daig niya ang may libro!”

Magandang gabi at salamat!

( Binigkas noong ika-hulyo 14 2007 sa Pamantasan ng Notre Dame ng Marbel ng inyong lingkod!)

Friday, July 13, 2007

Miminsan na lamang akong nakagagawa ng tula!

Kung minsan ay gusto kong mamitak sa linang, mamidpid sa tumana, bilangan ang mga alitaptap na lumilipad tuwing wala ang mapanglaw na buwan,titingnan ang maririkit na bituin sa madilim na kalangitan at maniniwala sa mga matandang pamahiin at humiling sa buntot ng bulalakaw,ang magpatangay sa agos ng panaginip habang ako'y lumilipad sa kalawakan, ganitong ganito ang ginagawa ko noong mga panahong sumusungkit ako ng ideya, tumatahi ng mga galang salita at gumagawa sa pamamamagitan ng tula, maikling kuwento at sanaysay...Nililibang ko ang aking sarili at pinagmamasdan ko ang nilikha ng Diyos na ibinigay lamang sa taong nagpapahalaga nito, kung ako'y busog na sa panonood kaalinsabay nito ang pag-agos ng haraya para lumikha ng tula at iba pa!...Ngayon, Hindi na ako nakakalista ng mga hilig ko, ni ang sumungaw sa malamig na gabi upang dumaloy ang aking diwa! Sa kadahilanang wala ng oras, wala ng panahon! at dahil mas marami ang aking mababagong paniniwala sa bawat talakayan sa klase ay mas pipiliin ko ito...kahit na nga miminsan na lamang akong makagagawa ng tula! Kahit na nga miminsan na lamang....

" Yaon lamang taong marunong magpahalaga sa tula ang marunong magpahalaga sa buhay"

Thursday, July 5, 2007

Salamat sa aking mga mag-aaral! (tulang ukol at para sa aking mga mag-aaral)

Kung ilang masasakit na salita ang nabitiwan
Nang di sinasadya ay patawad!
Patawad sa mga pusong lumuha at napahiya!
Patawad kung sa bawat panaho'y nabulyawan ko
ang kawawang mga puso!
Nahagisan ng yesong makamandag,
Nagsungit, nagmura, nagalit nang taos,
Patawad sa panahong nasalubong ako't hindi nangitian,
Napansin o nalingunan...


Ang panaho'y kaydaling
mapalis, umaga kanina ngayo'y hapon na!
Pagtiisan ninyo ang gurong ang hangad lamang
ay kabutihan at ang kapakanan ninyo!
Kaysarap namnaming kayo'y natuto
at parang langit ang piling kung kayo'y nagbago!

P.S Nagpapasalamat ako sa pangkat ng Blessed Jane of Aza, espesyal kayo lagi sa akin!
sa Saint John of Macias sa makabuluhang talakayan!, Sa Blessed Raymund of Capua na walang sawang tumatahimik!, sa Saint Thomas Aquinas sa magiliw na pagtanggap at masayang samahang di ko malilimutan at ang Saint Hyacinth of Poland sa wagas at tapat ninyong pagtitiwala sa akin! Gabayan nawa kayo ng Diyos!

Monday, June 18, 2007

Panibagong yugto ng buhay!

Kung dati rati'y nakikipaglaro pa ako sa tutubi, nanghuhuli ng tipaklong sa linang, namumuslit ng mga aliling, saluysoy, maria kapra at uwang, ngayon hindi na maaaring humawak ni manguha ng mga yun! hindi na maaaring pumulot ng lupa upang maglaro at itapon sa pisngi ng kasama! hindi na rin maaaring magbabad sa tubig-ulan! ni ang sumakay at lumambitin sa marupok na sanga ng sinegwelas! manghuli ng mga palakang bukid sa sapa at kumain ng galang prutas sa gubat! hindi na maaari sapagkat naging maestro na si Dodong! lumaki na si junior... at anong hiya marahil kung nakita akong umakyat sa puno! nagtampisaw sa tubig-kanal! nanungkit ng kamatsiling hilaw! Anong hiya nga marahil!!! Bakit dumadating sa punto ng isang tao ang kalimutan ang larawan ng kabataang kanyang pinagkanlungan! Bakit kinakailangang layuan ang nakasanayan na at talikuran ang habang buhay na kaligayahang nakapagdudulot ng lugod sa puso ng isang nilalang! Ito ang panibagong yugto ng aking buhay! pagharap sa pagiging guro at pagpapatibay at paglilikha ng makabagong makata! SALAMAT SA BUHAY! Namimiss ko na ang aking buhay!!!! Kasihan nawa ako ng Diyos!

Friday, March 30, 2007

NAMIMISS KO ANG BUKID!

Kung ilang puno ng bayabas ang aking naakyat ay hindi ko nababatid, ang tanging alam ko'y nababakli ang mga sangang marurupok tuwing ako'y umaakyat at nangunguha ng mga matatamis na bunga nito, daig ko pa nga si maria kaprang ibon na dumadagit ng mga hitik na hitik na hinog! Kung ilang damo na ang nalumpo at nawasak, nabalian ng tangkay, nawalan ng dahon, nakalbo ang sumusupling na mga bobot na bulaklak nito,ay hindi ko alam,sa muli ang nababatid ko'y hindi ang bilang ng halamang nangagkasawi kundi ilang sugat na ang nagamot at napahilon ng mga halamang yaon! Ilang sugat na nga ba? sugat na dala marahil ng pagtatakbuhan, ng taguan, ng hulihan, ng gulungan sa maberdeng damuhan...sugat na umuukit sa manipis kong balat at nagiging pilat na palatandaang kami'y nagkasayahan!
ilang taon na nga ba ang lumipas at nataktak, ilang araw ang nalagas at nahulog...namimiss ko na ang bukid...namimiss ko na ang halakhakan tuwing kami'y lulusong sa sapa at manghuhuli ng butete, papakainin si kalakian at susundutin ang kanyang gulugod para magalit at kami'y magsisitawanan...Namimiss ko na ang mga sandaling hinugis ako ng aking kalikutan, ang mga kalaro ko't katunggalian...ang buhay elementarya at buhay bukid na aking naranasan...sana'y makakahuli pa ako ng tutubi, makapaglalaro sa ulan...sana'y sa panibago kong mundo ay makakaniig ko pa ang bukid, ang pook, ang tumana na aking nakagisnan...Namimiss ko sila nguni't namimiss rin kaya nila ako?

kumakaway sila tuwing ako'y lumulusong sa bayan, ngumingiti kong ako'y nagbabalik...sa simpleng kadahilanang hindi ako naging dayuhan sa aking sinilangan at sa payak na pananalita'y namimiss nila ako at sila'y nalulungkot dahil minsan na lamang kaming magkakapiling... Namimiss nila ako at ya'y patulo'y kong nararamdaman...

"masuwerte ang mga batang lumaki sa bukid dahil alam nila ang halaga ng buhay, ang sarap ng pakikipamuhay,mapalad sila dahil tulay sila ng kahapon at ngayon, sila ang piping saksi ng pagbabago...ang mga bata sa bukid ang time machine ng makabagong mundo"

( P.S Brgy. Mambucal at Mambucal elementary school...Maraming maraming salamat)


KUNG BAKIT MATRIKULA ANG HUSTISYA PARA SA MGA MAG-AARAL...



(Ang pakikibaka ay hindi magtatapos sa bulyaw at sigaw sa bintana ng mga hungkag na tao, maglalagos ito patungo sa bukid, sa dagat at kahit sa panitik... No to tuition fee increase!)




(Lalo itong manggigising ng kaluluwa upang makibaka! makipaglaban sa tunay at wagas na karapatan ng mga api, dukha at pulubi!)





Hindi namin kailangan ng kalayaang magsalita
sapagkat maaari na kaming magsisigaw sa bukid
na sinasaka ni Ama,
Kaya naming murahin ang aming sarili
O kahit sino pa!walang sasawata
Basta't walang nabubulahaw na mga administrador
Sa likod ng bintana!

Hindi na namin kailangan ng kalayaang sumamba
Sagana na kami sa santo't santa
Hesus Mariang madadasalan kapag said na ang bulsa't
Ang kuwentador at administrador
Ay nagbabantang hindi na magpautang.

Hindi namin kailangan ng kalayaan sa pag-aaral,
marami naman kaming mahihita't makukuha na dunong
sa aming munting dampa,
Huwag lang kaming maghahanap ng Pamantasang binabayaran
Pati ang kaluluwa!

Hindi namin kailangan ng kung anu-anong
kalayaang pandekorasyon,
Ng kung anu-anong di namin maintindihan;
CHED autonomous institution o ano pa man!
Isa lang aming kailangan,
at ito'y aming ipaglalaban anumang paraan:
Mababang matrikula, ang pinagmumulan ng lahat ng aming kalayaan....

Monday, February 19, 2007

PAGBAGSAK NG ULAN

PAGBAGSAK NG ULAN
RICHARD P. MORAL JR.

Halika kaibigan,
sabay tayong maliligo ng ulan,magtatampisawan tayo,
magbababad sa ilog at kapagka bumaha
ay hintayin nating humupa ito;

Pupunta tayo sa madamung bukirin
at doon natin hintaying tumila ang ulan,
magpalibut-libot at magpagulong -gulong sa gitna ng damuhan,
magsisigawan at magtatawanan kasabay
ang kulog at kidlat...

Halika kaibigan,
gagawa tayo ng kastilyong lupa,magtatakbuhan
tayong kasama ang hangin at mag-aawitan kasabay
ang pagbagsak ng ulan...

Gagawa tayo ng bangkang papel
at bigla ay ilalagay sa ibabaw ng tubig,
kasabay ng pag-anod ay ang pagtakbo
ng panahong kaybilis...

Malilimutan man natin ang masayang gawain, ngunit kaibigan
ang kabataang ating nilandas
ay kukulaya't atuloy na itatatak sa diwa't puso
hanggang sa tayo'y mawalay...

Ganyan ang buahay, kaibigan
mga bata tayong naglalaro sa lilim ng ulan
at pagkatapos nito'y sisikat ang haring araw,
daratal at magniningning ang liwanag ng bukas...

Magkaminsa'y nasusugatan tayo nadarapa sa gitna
ng kaligayahan, ngunit ang pagbangon ay andiyan na sa atin
at bukas makalawa,kasabay ng pagbagsak ng ulan ay titiklop naman tayong naaagnas sa bawat patak....

Thursday, February 8, 2007

NAKABIBINGING KATAHIMIKAN (Maikling Kuwento)

NAKABIBINGING KATAHIMIKAN
NI RICHARD P. MORAL, JR.

Ilang hakbang na lang at mararating ko na ang gusaling aking pinapasukan...ilang tulo ng pawis na lang at mararamdaman ko na ang sumisigid at nakakagaang pakiramdam ng aircon na unti-unting humahagod sa naiinitang katawan...papag-alabin at sisindihan ang lamig na nagkakanlong sa hibla ng aking buhok, sa himaymay ng aking laman at kalauna'y sasabog ang suwabeng hinahanap ng katawang pagal sa kakalakad mula sa makipot na eskinita, sa masangsang na estero, mula sa nagigitgitang mga jeepney, sa rumaragasang paa ng mga tao, sa mga busina ng mga naglalakihang bus, ten wheelers, sa silbato ng mga pulis patola, hiyawan ng mga sidewalk vendors, uwang ng mga nakadistenong barker malapit sa terminal ng mga mauusok na taxi, sa mga nakakatisod na bato...ngayo'y nasa harap ako ng gusali...ilang palapag...binibilang ko sa sarili...nguni hindi ko matantiya...sinasabad ako ng mga alulong ng ambulance, ginugulat ako ng mga naglalagari at nagmamartilyong construction worker, sinusundot nila ang nag-iisip kong utak para mawala sa ulirat at malunod sa kawalang malay, hanggang sa sumutsot sa pandinig ang mga nanonoot na tagsing ng boses kalye hanggang sa ako'y mabulabog at mawala na sa katinuan ang aking pagbibilang. Dati rati nalalaman ko kung ilang malalapad na kuwarto at opisina mayroon ang establisementong ito, nguni ngayo'y kinakain ng mga napudpod na alikabok sa daan ang mga numerong yaon, ang mga hugis at tekstura ng mga silid na yaon, ang mga mababangong pigura ng lamesa, upuan, dingdig at kung anu-ano pa. Nguni sa aking pag-iisip ay may biglang sisibol sa isang guwang, at ako'y mapapatda, matutulala...Nguni hahakbang ako papasok...mabagal, para bagang may nakalawit na kung ano sa aking paa habang bumibilis ang salisihan ng jeep, sidewalk vendors, ng mga MMDA, ng mga abalang kaluluwa...bumubugso...parang kumakalansing ang kadenang nakagapos sa lipakin kong mga paa. Nag-iibayo ang aking damdamin habang sumusulyap sa tinatariking semento ng gusali...mga nakabkab nang aspalto dulot ng mga ligaw na bala, pukpuk ng bato, ulan, init ay lumulusot ang banyagang diwa...tigib...lumalakbay sa malayong lupain at idinuduyan ang mga ligaw na ala-ala...nalalaglag...nalalagas...
...........
Ilang gabi ng bumubulwak ang matitinis na putukan sa bukid...lumiliwanag ang kagubatan tuwing binabalot nang umuugong na hagibis ng bala...umiilaw nguni panandalian lang...sumusulpot-sulpot at bigla ring nawawala...ilang gabi na at palaging ganyan ang naririnig namin sa bukid...anila'y away tribu lang daw... nangangalap ako minsan ng mga haka-haka sa aking kapitbahay kung bakit lubha yata ang kanilang alitan at pati ang mga lumang armalayt ay kanilang nagagamit...kung bakit pati ang mga bangkaw ay lumilipad sa kalawakan at dumadagit ng mga kawawang katawan, ang mga pana'y naglipana sa katawan ng kahoy...kung away tribu ito ay tiyak kong hindi ganito ka dugo! nguni sila'y sumsabat...
“away tribu lang yan....matatapos din yan...”
nguni ilang gabi na ang nagwakas ay hindi pa rin natatapos ang putukang pumupunit sa karimlan...
“baka nga away tribu lang talaga yan...nguni may kaba ang aking damdamin”
May kung anong sundot akong naramdaman, may kung anong pintig...madalas kasing nagtatagal ang away tribung ito ng mahigit tatlong buwan, at sa tatlong buwang ito'y di kaginsa-ginsa'y nadadamay ang aming pook, may mga natatamaan ng mga lumilihis na bala, ligaw na pana, galang mga bato na kadalasa'y ipinapalaman sa tirador ... at kung tutuusi'y talagang kami ang nabibiktima...
Narinig ko minsan kay Ka Dencio...
“ Tayo ang pinupunterya niyan, kahapon pumunta ako sa bundok, sinuri ko kung ilang patay na ang nakahandusay, kung ilang puno na ang nawasak at nabuwal ng ilang gabing ratratan, nguni sa laking gulat ko'y nakita kong nagtatawanan ang mga walang hiyang tagabundok na yun, ang kanilang mga armas ay direktang tumutugpa sa paanan ng bukid, diretsong patungo dito! Dito sa ating pook! sinasadya nila! mga Demonyo!”
May poot natural! sinong hindi mapopoot sa ibinalitang kahungkagan ng mga tagabundok ni Ka Dencio. Ang putuka'y magtatagal pa ng tatlong buwan o mahigit kaya...ang ngatngat ng armalayt ay ilang gabi naming makakaniig...kung minsa'y balisa ang gabi...kung minsa'y walang natutulog sa amin, takot na baka tamaan ng balang makamandag, takot sapagkat paano na ang bukid na aming sasakahin...ang paggapas, sayang naman! Kaya nga unang baitang lang ang natapos ni Tatay, si Inay ay wala talaga...hihingalin ka kung ikaw ay lulusong sa nayon...hahapuin...at higit sa lahat pagtataya ng buhay mo sa alanganin...
Ilang dekada na nilang ginagawa ang pagpapaulan ng bala, dati'y akala ng mga ninuno nami'y away tribu!
“away tribu lang yan”
hanggang sa nataga at napasa sa amin...
Sino ba naman ang gustong maglakad habang padapa sa damuhan...hindi na nga pala lakad yaon! sinong gustong pumasok dahil sa kagagapang ay nadumihan na ang uniporme at pantalon? Kaya naaawa ako kay Dutay, bunso namin...siya'y nasa gilid ng dingding parati, nakasuksok, siya'y takot lumabas, takot maglaro ...ayaw makihalubilo at baka siya'y matulad daw kay Lota...nabasag ang bungo...bumulwak ang dugo sa kanyang harapan dahil natamaan ng galang bala...Nakakaawa...nakakalungkot...nakakahabag...
nguni kailangan naming manatili dito, kinakailangan naming ibuhos ang dugo sa aming sakahan...ang lipaking paa, gasgas na kamay, gulanit na mukha, kamay at balat na sinunog ng araw. Minsan narinig ko mula kay Ka Berting...

"Ang mga taga-bundok na yan, gusto lang tayong palayasin, gusto tayong paalisin na't iwan ang lugar na ito! kaya tayo inuulan ng takot! ng bala! hangal sila! hindi tayo lalayas!"

Nguni naiisip ko kung ilang palay ang magagapas at mapapalakas ng buto, makapagbibigay ng lakas sa pook namin, makakadagdag ng tapang at paniniwala na matatapos ang kahungkagang ito, kung malilipol lang namin ang taga bundok! kung masasawata lamang namin ang kanilang mga pandigmang gamit! mapapasakamay at susunugin! Di sana'y maligaya kaming nanghuhuli ng tutubi, ng maria kapra sa katihan...Nguni isang malaking kahibangan ang iniisip ko! isang pantasyang tanging may pusong nagmamalasakit sa lupang sinasaka lamang ang nakababatid! tanging sila lamang!...
Sayang!...
Ilang kabang palay pa ang maiimbak at muling ipupunla sa linang? Ilang mga paang gusgusin pa ang tatapak sa tubigan at maglulunoy sa init ng araw? masasayang lamang ang mga ito, tulad ni ka Taryong nawili sa pamimitak sa kanyang linang at kinagabiha'y nahagip ng pana ng mga netibong tagabundok kasama ang kanyang kalakian...
Nais minsan namin ang sumuko at bitiwan ang aming paniniwala at labanan ang tribong yaon, nais namin minsang sumigaw sa hangin, sa parang, sa tumana! nguni hindi pa nadudusta ang aming paniniwala! hindi namamatay ang aming panampalataya! hindi nalulupig ang halaga ng buhay...at kami naniniwala na ang pagdanak ng dugo'y hindi solusyon.
nguni...naisip ko hanggang kailan?!!!
Kailan ba namin maririnig ang katahimikan? katahimikang bumibingi sa nababaog naming tenga!
.........
Nilusong ko ang ilang lalawigan, nilakbay sakay ang imahinasyon...ngayo"y bumabalik ako, nguni kinakatok ng nakaraan, ng aming pook, kumakawil ang kadena ng nakalipas, kumakalansing!
..........
Nakapagtataka ang magdamag, natapakan ko ang talahib, saksi ang buwang malamlam isang gabi habang umuungol ang kuwago sa di kalayuan, baon ang pangarap na doon sa malayong pook mahahanap ang bagong buhay...nababagabag ako! "oo", mahirap iwanan ang himbing na himbing mong pamilya, nahihimbing sapagkat tuwing gabing malamlam ang buwan, humihina ang putukan, aywan ko ba basta! panahon ito ng pagtakas...habang umiiyak at umaatungal ang hangin ay nilakdaw ko ang parang, sinuong ko ang baging, tinalunton ko ang pilapil, tinawid ang saluysoy, inaliw ako ng alitaptap...
Isang gabing marikit!
Isang gabing noon ko lamang narinig sa aming pook...nakabibingi...nakabibinging katahimikan...
.........
Dito'y panibagong alulong ng kalikasan ang aking nararamdaman...at kumawala ang malakas na buntong hininga sa aking dibdib.."hindi ko nahanap ang katahimikan, wala! wala dito sa Maynila ang nakabibingi at masarap na katahimikang humahagod sa pandinig!"

Nakapasok na ako sa gusali, pasakay na ako ng elevator papuntang 35th floor...nakapagpasya ako! isang pasyang malaon ko nang pinag-isipan...bumuntong hininga ako...tama! sabay pindot ng buton...habang pumapasok sa aking tenga ang kumukurot na alingasngas ng papataas nang elevator.

Saturday, February 3, 2007

SLASH AND BURN

SLASH AND BURN
Ni Richard P. Moral, Jr.


Piak pa ang bukid sa may tumana
habang laslas pa ang umagang
bumabalot sa kawalan,
isang dipang liwanag ang sa aki'y tumingin.
sa kanan ng dambuhalang kawaya'y
sumisigid ang kahapon, sa hanging umaanas-as,
sa lawiswis ng mga sapang natutuyot
sa mga dahong nalalagas at nahuhulog sa humihingal na lupa'y
unti-unting kumikislap ang liwanag,
Alam kong nadadama ko ang alikabok
ng kahapon, naaaninag ko ang patay nang Nayon...
sa ugat ng mga punong tadtad ng talim...
Sa mga sabog at wasak nang pakpak ng mga alitaptap
sa mga magagaspang na bato ng kabukiran
nakalatag ang uhaw na mukha ng bukid,
nakabuhaghag ang bangkay na mga tanim...
Putol ang mga punong matatag at malakas
putol sa kadahilanang slash and burn ang pinagmulan!
putol habang wakwak ang nakakalbong burol!!!

Subalit humihinga siyang winawaksi ng panahon,
bumubulong ang burol sa walang malay na mga taon!
dumadaing habang sinusuyod ng panahon.
humihikbi kasama ang mga bituin tuwing hatinggabi,
lumuluha sa mga kaluluwang ligaw!
Pagas! tuyot! walang buhay!
bubunuin isang araw ang pagkabkab ng lupa,
kakalkalin ang pusod nito't huhukayin
hanggang sa madusta ang paligid,
mamahinga ang gulod
at habang lumulubog ang araw,
sumisipol ang burol sa kalangitan
humihingi ng isang pahinga...
Isang mahabang pagkakatulog
sa mainit at maalinsangang "slash and burn".

Friday, January 26, 2007

TALAHIB

Minsan sa aking buhay mas naaisin ko pang umupo sa gitna ng madawag na nga damong talahib o damong gala kaya...para bagang dinuduyan ang diwa mo patungo sa himpapawid, isinasakay sa ulap, tinitipon ang bawat hangin upang makipaglaro sa mga tutubi, paru-paru, gamu-gamu, mga galang tipaklong...Ninais ko minsan ang muling maupo, manahimik sandali sa umaalingasaw na baho ng lipunan, mamahinga upang sa susunod ay pagbubutihan ang laban, umupo upang pagmunimunihan ang kahapon, sindihan ang paparating na bukas...Gusto kong kausapin ang talahib sa gitna ng parang kung bakit hindi sila nababali sa malakas na indayog ng hangin at laging nakamasid sa ulilang langit...kung bakit nabubuhay silang tahimik, walang ingay, kontento sa maralitang kalagayang kanilang kinabibilangan...Kung bakit tuwing sisipol ang tahimik na batis sila'y kumikending, sumasayaw,umiindak para sundin ang utos ng tampalasang hangin...Gusto ko minsan nguni't para bang pinipigilan ng mga nalalagas na panahon, ng mga natataktak na mga taon...gusto ko nguni't sumisilay ang nakakapoot na katotohan...nakakadismayang katotohanan...Gusto ko nguni't...

Tuesday, January 16, 2007

MADRE DE CACAO

MADRE DE CACAO

LinkKumakaway tuwing bumubulwak ang madugong sinag ng araw,
sumasanib sa pawisang anag-ag ng Mayo,
nalalagas, naagnas sa pagas na lupa ng kabihasnan...
ang mga dahon na umaalon-alon sa gitna ng kalansay na nayon , mga marurupok na sanga, nakaangklang tadyang na animo'y binti ng lagnating bata, ng sakiting matanda...

Ayaw kong pagkumot ng tulyapis na araw ay masilayan ang kanyang pigura...
isang nagmamakaawang pagtangis sa malayong kabihasnan,
isang pagtawag sa di maabot na paraiso...

Ayaw kong tanawin siya sa durungawang humihikbi pagkat para ko na ring inari ang kanyang hapdi!
para ko na ring sinulo ang makamundong hilahil, kung nais niyang magdusa'y ipalunok sa kanya ang dagok! ang unos! ang apoy! ang lamig!...kung nais niya'y bakit
ko aagawin sa kanya ang putong...
kung sa ganyang dahila'y mababayaran niya ang karamutan...kung sa paraang yan lamang
siya maiaahon...

Ang pagkamadre niya'y lamunin ng dagta,
lukubin ng pulot, hilahin ng mga bubuyog, alitaptap, tutubi...hilahin para itigil ang pagpapakaaba! ihinto ang pananahimik...ang pagpapatiwakal...ang pagpapatianod...hilahin siya ng mga surot, butiki, gamu-gamo, ng mga anay...ng ipis...ng mga insektong walang malay para lumaban...lumakas...tumatag...magbitiw ng salita...wasakin ang moog...ang tanikala...

Durugin! pagpirapirasuhin ang kadena...ang araw...ang tigang na lupa... ang sakiting mukha para makawala sa hampas at latigo ng panahon!
wasakin!
durugin!
madre de cacao!
Link

(Ang tulang ito ay sumusubok sa kaantasan ng diwang ipinapahayag ng makata at kung papaano niya hinaharap ang pagsubok na kumikitil sa kanyang katauhan)



PASASALAMAT

Taos puso po ang ipinapaabot ko sa mga taong tumulong at luminang upang mabuo ko ang kauna-unahang blog na ito.

Kay Jessa Marie santa Cruz sa pagbibigay oras, pagtitiyaga sa mga bulyaw ko...(kanya naman talaga ang Kompyuter na ginamit ko)
Kay Farrah Fabiana na patuloy sa pangugulit at pangangahas sa akin...
kay Ria Joy ogod sa patuloy niyang pag-iingay...
at higit sa lahat kay John ryan Aguirre sa kanyang buong pusong pagbibigay ng instruksiyon at opinyon mabuo lamang ang blog na ito...

Kay Sayren Antog na rin dahil nilayasan niya ako...

Ito na ang simula ng pakikibaka ng salita, pamimidpid sa linang at pangunguha ng mga HARAYA...

maraming salamat po...

-richard moral-

HARAYA

haraya...

"mga mumunting piraso na isinilid sa walang maliw na mga panginorin, sinala ng bawat karanasang pinagtibay ng panahon...mga pinitpit na diwa, nalalagas na guni-guni, gupi-guping damdamin hanggang sinilaban...hanggang sa dinusta...mga emosyong pinagbaga ng panahon...mga opinyong pinag-alab ng dantaon...pinasiklab ng mga inaagiw na paniniwala...hanggang sa pinadaloy...tinipon...hanggang sa iwinasiwas, kinalat, benindisyunan sa linang, inihele ng makabagong kabihasnan...isinilang, sumibol... unti-unti, dahan-dahan hanggang sa nakabuo ng HARAYA...."

harayang magmamaliw sa bawat siglo,
harayang lulukob sa bago kong mundo....

-RICHARD P. MORAL, JR.-