Wednesday, December 22, 2010

Sa Kulubot ng Dahon (Para sa ika-24 kong kaarawan)

Sa nabakbak na talulot ng puting gumamela
sumusungaw ang mga nanlilimahid na multo ng nakaraan;
mapangahas, mapanghamon, mapanubok.
Sa mga gusgusing pader ng bahay
sumusulak ang yugtu-yugtong kasaysayan
ng pangungulila, kamusmusan at kadahupan.
Sa mga nakiskis at natadtad na puno ng ipil-ipil,
dapdap at kapok naukit ang maluwalhating kabataan
ng nakalipas (nagtampisaw sa tubig, nagpadausdos sa tumana, nanakip ng tutubi)
Kinakanlong ng kahapon ang mapaniil na pangarap
Hinuhubog ng kasalukuyan ang matayog na mithiin
Idinuduyan sa guniguni ang abuhing panaginip
Sa ikadalawampu't apat na taon ng pakikipagsapalaran nangulila ang puso,
nasaktan ang diwa, nabalian ng siko, nasugatan ang tuhod, nakipaggitgitan sa kaaway
nakipagbiruan sa hangin, sumabay sa agos, gumapang sa lusak upang mandi'y masilayan ang maaliwalas na alapaap sa bughaw na langit at 'di na madugo ang dapithapon sa paghimlay ng araw.
Sa mga kulubot ng dahon isinusuot ang bawat hakbang ng mga makasaysayang yugto
ng buhay, ng mga lubak ng panahon, iginuguhit sa patpating mga tangkay
ang mga katagang MA, PhD sa Filipino.
Sinusulsi ng mga mumunting gagamba sa paanan ng mga dahon
ang mga salitang "awtor, Superbisor"
Tampalasan, matayog, matarik at mapanganib
ang daan patungong tugatog ngunit
sa mga kulubot ng dahon nakaimbak ang bawat araw ng tagumpay
Inilaladlad sa simula ng ikadalawampu't apat na taon.


-December 22, 2010.

Monday, November 29, 2010

Sa Indayog ng Hangin

Apat na taon na ang nakakalipas nang pumasok ako sa institusyon ito. (Notre Dame-Siena School of Marbel. Baon ang iba't ibang pangarap at kagalakan sa aking puso ay natuto akong magsimulang humiling at managinip. Dala ang mataimtim na hangarin ng puso ay isinilang ang makabagong ako. Isang gurong handang ialay ang lahat ng kaalaman alang-alang sa aking mga estudyante. Mga istratehiyang nais lamang ay pukawin ang interes ng mga kabataang naghahanap at nauuhaw ng pagkatuto at kaalaman. Araw-araw ay natuto ako kung paano ngumiti, magalak, tumawa kasama nila, nagsimula akong mamangha sa kagandahan ng mga munting nilikha ng Diyos. Natuto akong magparaya at mapakumbaba alang-alang sa kanilang murang isipan, natuto akong humulma ng isipan alang-alang sa kanilang marurupok pang talino. At sa bawat paghubog ko'y isinisilang ang bagong ako, nabubuo ang aking pagkatao...pinatitibay nito ang umaalab na damdaming makatulong sa kanilang pag-aaral.
Maliban sa aking pagtuturo, naipunla ng paaralang ito ang maraming pagkakataong nagpatibay sa aking identidad. Paano ko makakalimutan ang bawat halakhak na kumakawala sa apat na sulok ng faculty room, paano ko itatago ang mga bakas ng kasiyahan tuwing sumasapit ang biru-biruan sa kapwa ko guro, paano ko bibitiwan ang pagkakakibigang nabuo na tumulong sa akin upang ako'y maging isang responsableng nilalang sa mundo, paano ko buburahin ang mga nakalipas na damdaming sumubok sa aking pagiging tao at magpakatao,paano nga ba? Hindi lamang ang pagiging guro ang nalilinang sa paaralang ito kung hindi kung paano tumulay sa totoong buhay at kung paano makikipamuhay.Sa apat na taon alin nga ba ang hindi ko natuklasan? alin nga ba ang hindi pa kayang gawin? gayong pinapanday ka sa araw-araw upang maging mas makinang na nilanang, upang nang sa ganun bukas pag-alis mo sa sulok ng paaralang ito ay makakatayo ka nang may tikas at tatag.
Ngayong handa na ako sa indayog ng hanging magdadala sa akin sa panibagong baybayin ng buhay, hindi ako matatakot, ni manginginig sapagkat dala-dala ko ang naitatak na pilosopiyang humutok sa akin. Mahaba pa ang landas na tatahakin patungong tagumpay, may hamon pang kailangang harapin, may mga pagsubok pang kailangan namnamin. Sumisikat pa lang ang araw sa silangan kailangan ko nang magpaalam sa institusyong ito upang salubingin ang nakakatakot na katanghalian at madugong pagdarapithapon. Kailangan kong magpaalam hindi dahil ang siena ay nagkulang sa akin kundi kailangan ko nang ihasik ang dunong na aking natamo at baguhin ang landas na tatahakin pa ng marami. Salamat sa Dominican-Sienan education...hanggang sa muli.

Tuesday, September 14, 2010

Sabi ng ama ko, kung saan ka nadapa doon ka bumangon! sa madaling salita tinuruan niya akong mangarap muli pagkatapos mabigo. Tinuruan niya ako kung paano maging matatag sa bawat unos na dumating sa buhay, tinuruan niya ako kung paano tumulay sa nakakatakot na bangin ng kamatayan.Noong bata ako ay palagi akong nasusugatan sa tuhod, mahapdi ang sugat ng pagkakagasgas sa mabatong lupa, ngunit ngayon ko naisip na mas mahapdi ang sugat na nililikha ng tadhana sa akin, dinudurog nito ang aking puso. Handa na ako sa aking buhay sa susunod na taon, sa apat na taong nanatili ako sa siena dito ko natutunan ang lahat-lahat. Dito ako natutong lumaban at sumagot sa nakakataas, dito ako tinubuan ng sungay hindi upang magpakahudas kundi ang ipaglaban ang aking karapatan. Dito ako natutong mamuna, magalit, mawalan ng timpi, humusga, magmataas, magmagaling. Ngunit kailanman ay hindi ko rin maibubura na sa apat na taon ko dito sa paaralang ito ay natuto akong mangarap, napagtagumpayan ang pangarap na yaon, dito ako naging matalas, natutong makisama, naging isang tunay na guro, dito ako natutong magsaya, mag-enjoy sa buhay, natutong magmahal nang walang hinihintay...sa apat na taon ang mundo ko rito ay masalimuot, mapanghamon, maligalig ngunit ang hindi ko maitatanggi ay may mga kasiyahan sa bawat hamon. Sa darating na mga taon, isang bagong ako ang iluluwal, matapang, matatag, handa sa bawat hamon ng buhay...ngunit masakit isipin na mamimiss ko ang buhay ko rito ngunit ang buhay ay isang mahabang paglalakbay, isang mahaba ngunit masayang paglalakbay.

Sunday, August 8, 2010

Sa mga Bukas na Darating

Sa mga bukas na darating nawa'y mawala kasama ng hangin ang hiya at takot sa aking puso.Sana'y kayang burahin ng wagas na pagmamahal ang takot na ito at tuluyang anurin ng rumaragasang bugso ng puso. Sana sa tuwing pagngiti ko ay nawawala ang dumadaloy na lungkot sa aking litid, nawa'y tuluyan itong malunod kasama ang mga gunitang isinulat sa malabnaw na tubig. Sana bukas sa aking paggising, wala na ang munting kurot sa puso at tuluyan itong magmaliw, mawala at kumupas tulad ng mga bulaklak na pagkatapos ngumiti sa sinag ng araw ay nalulungkoy at namamaalam sa madugong tanghali. Sana bukas hayaang dalhin ng hangin ang bugso ng pagnanasa sa aking ugat, nawa'y tuluyang liparin ang mga alaalang pilit na lumulukob sa aking kawawang damdamin. Hindi ito ang wakas ng lahat, hindi ito ang pagtatapos ng isang kwentong magpapabago sa gulong ng tadhana. Hindi ito pangungulubot ng isang matayog na diwa kundi isa itong paghawan, pananalig, pagtanggap sa katotohanan na tayo ay nasasawi, nadarapa, nababalian ng pakpak,nasusugatan, nalulungkoy...Hindi pa ako handang ngunit marahil sana bukas...kaya ko na....

Wednesday, June 30, 2010

----Ganito na lang lagi-----

Ibibigay ang lahat-lahat
Handa kong gawin
Lahat ng iyong hiling
Sukli man ay sugat sa puso

Karamay ka
Sa hirap at saya
Masaktan mo man damdamin ko
Ako'y nandyan pa rin
Sa iyong tabi

Kapag ako ay nagmahal
Ang lahat ng ito'y magagawa
Hindi magbabago
Hindi maghahangad
ng anumang kapalit

Kapag ako ay nagmahal
Umiyak man ako
Hindi ko ito ikakahiya
Handa akong magtiis

Kapag ako,
Kapag ako ay nagmahal

Sa iyo lamang
Iikot aking mundo
Sa akin balewala
Sasabihin ng iba
Basta't alam ko mahal kita


Hindi ka man maging akin
Lahat ng ito'y gagawin
Kapag ako,
Kapag ako ay nagmahal...


Mahirap sabihin na hindi ka nasasaktan pero sa kaibuturan ng iyong puso ay nagdurugo ito. Mahirap sabihing okay lang kahit alam mo sa iyong isip na hindi ito okay. Hindi ko alam kung paano umiwas at tuluyang makalimot. Hindi ko alam kung paano kumawala at hayaang tangayin ng hangin ang bawat hinaing at hinagpis ng puso, ngunit mahirap, para kang nagpapatiwakal, para kang naglalaslas ng pulso habang nananaginip sa kawalan. Paano nga ba talikuran ang poot? at paagusin ito palabas sa nanlilimahid na ugat. Mahirap dalhin ang ganitong sitwasyon, hindi ka magagalit, hindi ka dapat masaktan, hindi ka dapat magreklamo, hindi ka dapat iiyak, hindi ka dapat magpalabas ng emosyon dahil wala pa rin itong halaga..dahil wala kang karapatan..hanggang kailan ako magiging ganito? sana kaya ko pa. sana makakaya ko pa.

Saturday, June 26, 2010

-Balik Tanaw sa Buhay-

Dati rati pangarap kong maging manunulat, gusto kong makita ang pangalan ko sa isang aklat...Ngayon natutupad na ito, nagsusulat na ako ng libro sa ikalawa at ikaapat na taon. Minsan pinangarap ko ring makapagturo sa kolehiyo, wala kasing masyadong effort kung magtuturo ka sa college, ngayon halos mamamatay ako sa ibinigay na schedule ng NDMU,ganun pa man nagpapaslalamat ako. Noon pangarap kong maging isang head, nagwawasto ng lesson plan, nag-oobserve ng klase at nakikipag-usap sa aking guro, ngayon magdamag akong nagchecheck ng kanilang lesson plan, natupad ko na kasi...Ibig bang sabihin nito ay napakabait ng Diyos sa akin? (hindi na ako makisip) hahahaha

Thursday, May 27, 2010

Kung Sino Si Richard Moral, Jr.

Kung Sino Si Richard Moral, Jr.,

1. May utak siya, kunti nga lang. Ayaw niyang magpatalo pagdating sa kanyang larangan.
2. Mayabang siya kung minsan pero sa tamang paraan.
3. Gusto niyang sumulat nang sumulat upang makagawa ng panibagong mundo.
4. Madali siyang umibig ngunit matagal makakawala sa sinumang kanyang iniibig.
5. Abot tainga ang kanyang halakhak.
6. Palagi niyang inaabangan ang ulan, ang dahong nahulog at lagaslas ng sapa.
7. Nagtuturo siya ng konseptong maka-Filipino na may kaugnayan sa malalim na pakahulugan.
8. Malalim siya kasinlalim ng balon ng inyong kapitbahay.
9. May uban na siya gayong wala pang uban ang kanyang ama at ina.
10. Naglalaro siya ng tong-it at kamakailan lang ng poker, pamparelax.
11. Mahal siya ng Barangay Mambucal at mahal niya rin ito.
12. Mahilig siyang gumala naimpluwensiyahan kasi.
12. Malawak ang kanyang pang-unawa kasinlawak ng inyong lupa sa baryo.
13. Ayaw niya ng mayabang kasi nga nasasapawan siya.
14. Ang kwento ang kanyang buhay at binubuhay din siya nito.
15. Palagi siyang nasasaktan kasi ideyalistik sa buhay.
16. Marunong siyang umunawa, dumamay, mag-advice ngunit walang direksyon ang kanyang buhay.
17. Hindi siya marunong ng gawaing bahay ngunit marunong sa buhay.
18. Pansit ang nagdurugtong ng kanyang hininga, kung wala nito matagal na siyang patay.
19. Gusto niyang kumanta ng "Tuwing Umuulan" at "Changes In my Life" habang umuulan at nag-iisa sa kwarto.
20. Gusto niyang mangarap nang mangarap.
21. Gusto niyang magkaroon ng negosyo upang makuha ang pangarap na yaon.
22. Gusto niya ng simpleng buhay.
23. Gusto niyang magturo sa bundok.
24. Gusto niyang matulog at managinip doon kasi masaya siya.
25. Mahalaga sa kanya ang pamilya, ito ang nagbibigay inspirasyon upang lumaban at bumangon.
26. Higit sa lahat, matibay siya kasintibay ng bato sa bundok ng Mambucal.

Sunday, May 16, 2010

UHAW ANG KALBO NG BUROL sa MAMBUCAL

Halos anim na buwan kong hinintay ang unang patak ng ulan. Marami akong dapat gawin bago ako matuluan ng iyak ng langit. Nariyang naliligo ako sa ulan kasama ng aking mga kapatid, nariyang magpapaanod ako ng bangkang papel at nariyang magtatampisaw ako sa umaalimbukay na bugso ng baha kasama ng aking pamangkin. Ngunit iba ang naging takbo ng panahon sa nakalipas na buwan, walang puknat ang brown out sa aming nayon, walang ulan ang kumatok sa bubong ng aming barangay, ni walang hanging malamig ang dumuyan sa napipigtal nang dahon ng bayabas, kamatsile, kasoy at madre cacao. Sa madaling salita nawalan ako ng ganang umakyat sa paborito kong tanawin, ang burol malapit sa aming likod bahay. Wala ng kaluluwa ang mga damo sa bukid binaog ng makamandag na anag-ag ng araw, wala na ring dahon ang mga tangkay ng puno pinunit ng dagitab ng makapangyarihang bola sa kalangitan. Wala kang matanaw na berde, wala kang makikitang luntian, tanging mga damong mabalasik ang naiiwang nakadipa sa mainit na sikat ng araw tulad ng kulitis at hagonoy. Hindi ko nais ang ganitong paligid kung kaya gabi-gabi akong nagdarasal na sana ay lumuha ang langit at kami naman ay madiligan,ngunit talagang madamot ang ulap. Tiniis ko ang maalinsangang gabi ( wala kasing air con), inaliw ang sarili upang hindi mapansin ang init na nararamdaman, tumambay sa lilim ng puno habang pinagmamasdan ang kinang ng bituin sa kanluran. Sa mga panahong ito ay natuto akong maghintay sa unang bugso ng tubig-ulan. Binilang ko sa aking daliri ang mga araw kung kailan unang mababasa ng hamog ang tanim sa aming barangay, ang Mambucal. Ngunit masakit isiping matagal pa ang patak na yaon, nanghihina ako, gusto ko nang marining ang kokakan ng mga palaka sa tumana palatandaang sila ay masaya sa paraisong naliligiran ng tubig...Tulad din kaya ako ng palaka? Nais lumublob sa lagaslas ng tubig? Ayaw sa init at payapang nilalang? Sana ganun nga...Ngunit kamakailan lang nagising ako ala-una ng madaling araw, naglalagitikan ang aming bubong, nilukuban ako ng malamig na simoy ng hangin at naginawan ang nagpipyestang lamok...nakaramdam ako ng kapanatagan, simula na kaya ito ng muling pagsibol? at lalagukin na kaya ng burol ang tubig na dadausdos sa kanyang mukha? Sana....kaya sabik na sabik akong gumising sa araw na yaon, gusto kong maaninag ang naging bunga ng munting pagwisik ng luha ng kalangitan...may nabago ba? may sumupling bang dahong munti? naiisip ko na ang aking makikita...magmamadali ako bukas, uunahan ko ang tilaok ng manok.

Tuesday, March 16, 2010

Napakatagal na bago ako muling nagsulat sa blog. Marahil hindi lang siguro ako handa upang isulat muli ang aking mga emosyon at hinaing sa buhay. Marmi akong iniisip sa mga panahong ito. Mula sa aking mga mag-aaral, patungo sa aking pamilya at kaibigan, sa aking trabaho at buhay pag-ibig. Ito lang ang tanging Diary mayroon ako, kung punong-puno ako ng emosyon, dito ko isinisiwalat, wala naman kasing nagbabasa ng aking blog, kundi ako lamang. Wala ng mahalaga sa akin ngayon kundi ang trabaho ko upang mabigyan ang aking pamilya ng maganda at matiwasay na buhay. Napakahirap isipin na hindi pa ako handa sa pagbabagong ibinibigay ng Diyos sa akin ngunit sa malaking hamon at sa araw-araw na pakikisalamuha ko sa ibang tao marami akong natutunan, marami akong nakuha at marami akong nabatid. Ngayon, isang hibang na pangarap na lamang ang umibig at magmahal. Nasa "banig na ako'y bakit ko pa nanaising matulog sa sahig", ani nila. Masyadong malawak ang mundo, maraming isda sa dagat at ang bawat nilikha ay may itinakdang nilalang. Doon ako magsisimula...Maghihintay ako kung sino man siya....Maghihintay kahit pa man...panghabambuhay! Ingat.............

Friday, January 8, 2010

Payapang Daigdig ( Isang Photo Essay) Ni Richard P. Moral, Jr.


Paano kung minsan ay madadapa ako at wala ni isa ang doon ay nakakita?...

Paano kung naghahanap ako ng kapayapaan sa aking puso ngunit hindi kayang magkubli ng katahimikan saloob nito?...

hanggang kailan ba ako maghahanap?

hanggang kailan mangangarap?

hanggang kailan mag-iisa..

Ang buhay ay isang mahabang paghihintay, isang malawak na paghahanap...

Isang payapang daigdig na tanging tayo lamang ang nakaririnig...

Isang mahabang paglalakbay, isang tahimik na paglalayag, ganyan ang buhay...

Maghihintay sa wala hanggang sa kakainin ng hangin ang mga pangarap at itoy maglalahong parang bula...ganyan ang buhay, ang buhay ay ganyan.