Saturday, October 15, 2011

ANG LIMANG TUTUBING PULA ANG BUNTOT

Limang tutubi na may malalaking mga mata, mahahabang mga pakpak at may mapupulang mga buntot, yaon daw ang magdadala kay Melba sa tuktok ng kawayan. Dadalhin daw si Melba sabi ni Lola Carmen sa dulo ng kawayan sa paanan ng bundok, doon daw ay ikukulong siya at hindi na palalayain ng mga tutubing may pulang buntot, ang sinumang madadala roon ay gagawing alipin ng mga hari ng tutubi . Hindi na siya kailanman makababalik sa kanyang tahanan.
Kahapon habang kami ay naglalaro ni Melba tinawag ako ng aking Ina, “Ben sa bahay ka na maglaro! at baka maisama ka rin ng mga tutubing pula ang buntot.”
Naawa ako kay Melba dahil wala na siyang iba pang kalaro ngunit kailangan kong sundin ang aking ina. Sabi ni Ayka sa akin, bakit daw ako nakikipaglaro kay Melba gayong ang kanyang buhok ay parang hindi nakatikim ng suklay , hindi raw naliligo si Melba at mabaho pa.
Araw ng Sabado at ang Nanay ay nasa palengke. Pumunta ako sa bahay nina Melba, kasama niya roon si Lola Carmen, wala ng kamag-anak si Melba maliban kay Lola Carmen, nawala raw kasi bigla ang kanyang mga magulang noong siya’y limang taong gulang pa lamang. Ang sabi ng Nanay, dinala raw ng mga tutubing pula ang buntot ang mga magulang ni Melba sa tuktok ng kawayan. Tanging si Lola Carmen na lamang ang matiyagang nag-aalaga kay Melba, walang kapatid si Melba ni wala rin siyang mga kalaro maliban sa akin.
“Melba, sinuyod mo na ba ang iyong buhok? Pitong kuto ang nakuha ko kahapon sa iyong ulo! Magsuyod ka na, hala ka sige ka! Dadalhin ka ng mga malalaking tutubing may mahahabang pakpak at mapupulang mga buntot!”
Narinig ko ang sinabi ng Lola ni Melba, naalala ko bigla ang paglalaro namin ni Melba sa may damuhan. Tanghali noon at kami’y pawis na pawis sa paghahabulan, sinigawan siya ng isang batang nakatingin sa amin, “Maraming Kuto! Kutuhin! Ililipad ka sa tuktok ng kawayan! Ililipad ng mga tutubing may malalaking mata at mapupulang buntot!” Huminto kami sa paglalaro at hindi na pinansin ang mayabang na bata.
Sinabihan ko si Melba, na kung may pulang tutubing kukuha sa kanya’y ako ang kanilang unang makakaharap, ikukulong ko ang mga tutubing may malalaking mata, mahahabang mga pakpak at may mapupulang buntot sa isang malapad na net. Kung hindi sila mamamatay sisindihan ko ang kanilang mga pakpak upang hindi na makalipad papuntang paanan ng bundok, sa tabi ng ilog, sa taluktok ng kawayan.
Nakita ako ni Melba sa labas ng kanilang bahay. Agad siyang pumunta sa akin at nagtanong,
“Wala ba ang iyong nanay, Ben?”
“Wala…namamalengke, may dala ako para sa’yo Melba!” agad kong ipinakita ang aking dinalang mga gamit.
“Dalhin mo lagi ang net na ‘to upang hindi ka mahuli ng mga tutubi, sapat na siguro ang laki nito sa limang tutubing may pulang buntot, at saka ito pa may dala akong posporo, sisindihan natin ang kanilang mga pakpak, di ba masaya yun, matatalo natin ang mga tutubi tsing! ..tsing! tsing…at tayo ang magdadala sa kanila sa damuhang lagi nating pinaglalaruan, yehey! Mananalo tayo Melba!”
“Hahaha, tama ka Ben! Ano naman ‘yang dala mo pang isa?”
“Ito? Ah…. higit sa lahat may dala akong bagong suyod, ito muna ang ating gagamitin para hindi na sila magtangkang huhuli sa’yo, tutulungan kitang tirisin ang mga kuto mo,susuklayan kita at sabay tayong maliligo, sabi kasi nila ang kuto ang paboritong pagkain ng tutubi kaya dinadala ang mga batang maraming kuto sa tuktok ng kawayan, kung wala kanang kuto Melba e, di ayos na wala ng magsasabi at magagalit kung bakit ako nakikipaglaro sa’yo at higit sa lahat hindi ka na matatakot sa malalaking tutubi na may pulang mga buntot.”
“Ganun ba Ben?”
“Ayaw ko kasing mawala ang kaisa-isa kong kaibigan”
Nakita kong may lungkot pa rin sa mga mata ni Melba, nagpasalamat siya at nagpaalam, marahil natatakot siyang isang araw ang tutubing yaon ay magkakatotoo.
Kinagabihan pagkatapos kong gumawa ng takdang-aralin sa Filipino, nag-isip ako ng hakbang upang hindi na matakot si Melba sa mga pulang tutubi at tuluyan na siyang maging masaya.
Maaga akong nagising upang pumunta sa paanan ng bundok malapit sa may ilog, hahanapin ko ang tahanan ng mga tutubing may malalaking mga mata, may mahahabang mga pakpak at may mapupulang buntot. Aakyatin ko ang tuktok ng kawayan at sisilipin ang hari ng mga tutubi baka sakaling makita ko rin ang mga magulang ni Melba at tuluyan na siyang maging maligaya. Wala akong dalang gamit na ipanghuhuli sa limang malalaking tutubi dahil naibigay ko na kay Melba ang mga iyon.
Mabato at mapuno ang daraanan papuntang paanan ng bundok sa tabi ng ilog, naisip kong hindi na magpatuloy ngunit lagi kong naaalala ang kalagayan ni Melba, kung patuloy na mabubuhay ang mga pulang tutubi na may malalaking mga mata, mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot ay patuloy na matatakot si Melba at patuloy siyang lalaitin, hindi siya matatahimik at hindi na kami papayagang maglalaro pa, higit sa lahat baka mawalan ako ng isang tunay na kaibigan.
Nakarating ako sa isang tahimik na pook, tanaw ko na ang tuktok ng kawayang pinagkukutaan ng mga tutubing may malalaking mga mata, may mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot. Inaabangan ko ang kanilang paglabas, wala akong baong gamit kundi isang dasal at pakiusap sa kanilang hari na huwag nang gambalain at huwag na ring ituloy ang pagdala kay Melba sa kanilang kaharian. Makikiusap ako sa kanilang hari at magmamakaawa.
Hindi pa ako nagtatagal sa aking kinauupuan ay may lumabas na isang malaking tutubi na may malaki ring mga mata, mahabang pakpak at may pulang buntot sa dulo ng kawayan. Kitang-kita ko ang nakakatakot na mukha ng tutubi, sa isang dulo’y muling lumabas ang pangalawang tutubi, hanggang sila’y naging tatlo, apat, lima. Nawala sila sa aking paningin para silang hinigop ng hangin.
Ito ang aking pagkakataon, aakyatin ko ang kawayan hanggang sa makarating ako sa dulo at sisilipin ang kanilang hari at pakikiusapan nang pakikiusapan upang hindi nila kunin si Melba, “may puso rin naman ang mga tutubi,” ang aking bulong sa sarili.
Nasa paanan pa lamang ako ng kawayan ay bigla kong narinig ang malalakas na pagaspas, hinahanap ko ang pinanggagalingan ng ingay at biglang tumambad sa dulo ng kawayan ang mga tutubing may malalaking mga mata, may mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot. Dala nila ang isang batang sumisigaw at umiiyak, hindi siya si Melba ngunit katulad din sila ng buhok, magaspang na wari’y hindi naliligo, katulad sila ng kaanyuan at siguro marami ring kuto ang kanyang ulo sapagkat mula sa aking kinatatayuan ay kitang-kita ko ang kanyang pangangati. Bigla nila itong ipinasok sa dulo ng kawayan at naglahong parang bula. Aakyatin ko na sana ang dulo ng kawayan upang pakiusapan ang hari ng mga tutubing may pulang buntot nang may nakita akong isang batang naliligo sa ilog. Malinis at nangingintab ang kanyang buhok, maayos na maayos ang kanyang pananamit, nagniningning ang malago at mahaba niyang buhok
“Hoy bata! Umalis ka rito, delikado! Umalis ka na!”
“Anong gagawin mo diyan, bata?! Ikaw ang umalis diyan baka ka mahulog! Walang tutulong sa iyo bata kung ikaw ay mahuhulog!”
Bigla’y lumabas ang isang tutubing may malaking mata, mahaba ang pakpak at pula ang buntot, bigla akong nakramdam ng takot sapagkat mahuhuli niya ang batang naliligo sa ilog.
“Bata umalis ka na may dambulang tutubi! Alis na bilis!!!”
Ngunit katulad ng dati ang tutubi ay parang hinigop ng hangin at naglahong parang bula at bigla’y nakita ko na itong katabi ng batang naliligo sa ilog. Namangha ako at hindi niya sinaktan ang bata at para bang sila’y matalik na magkaibigan, sumakay ang bata sa likod ng malaking tutubi at ang tinatahak na direksyon ay papunta sa akin. Biglang nanlaki ang aking mga mata at sinaniban ako ng takot ngunit hindi ako makagalaw.
Nang ang tutubi ay malapit na sa akin, kitang-kita ko ang nakakatakot niyang mukha. Ngunit hindi niya ako sinuwag o inilipad papunta sa tuktok ng kawayan. Binulungan ako ng batang may makintab at kumikinang na buhok.
“Sabihin mo kay Melba na siya’y magsusuklay lagi, maging malinis at maligo araw-araw upang mawala na ang kanyang kuto, ang hinahabol ng mga tutubing may malalaking mga mata, mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot ay ang mga kutong nakatira sa kanyang buhok, kung mawawala yaon hindi na siya hahabulin ng mga higanteng tutubi.”
Biglang nawala ang malaking tutubi sa aking harapan ngunit pilit na sumisiksik sa aking utak ang huling sinabi ng bata, sabihin mo kay Melba…sabihin mo sa kanya upang hindi na siya hahabulin ay maging malinis siya…sabihin mo upang ang higanteng tutubi ay di na babalik at manggugulo sa kanya.
“Kringggggggggggggggggggg! Kringggggggggggggggg!”
Ginulat ako ng aking alarm clock. Panaginip, isang mahiwagang panaginip. Muling bumabalik sa akin ang tahanan ng mga tutubing may malalaking mga mata, mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot doon sa paanan ng bundok, malapit sa may ilog, sa tuktok ng kawayan. Ang bulong ng batang sakay ng higanteng tutubi. Bumangon ako, pupunta ako sa bahay nina Melba bibigyan ko siya nga maraming suyod, lima, sampu, dalawampu hanggang isandaan. Ibubulong ko sa kanya, katulad ng pagbulong sa akin ng batang sakay ng higanteng tutubi, “Sabihin mo kay Melba na siya’y magsusuklay lagi, maging malinis at maligo araw-araw upang mawala na ang kanyang kuto, ang hinahabol ng mga tutubing may malalaking mga mata, mahahabang mga pakpak at mapupulang buntot ay ang mga kutong nakatira sa kanyang buhok, kung mawawala yaon hindi na siya hahabulin ng mga higanteng tutubi.”

saranggola awards year 3

www.saranggolablogawards.com