Ang haraya ay ang pagliliwaliw ng isip, upang makimasid, makipaglaro sa guni-guni, makahalikan ang alitaptap tuwing gabi, makaniig ang buwaya, tutubi at paniki, ito'y ang pagsisid sa pinakadulong bahagi ng ating buhay...upang mamuhay at makipamuhay...ang maaliw at malibang...upang manakip at manguha ng mga banyagang HARAYA.
Friday, January 26, 2007
TALAHIB
Minsan sa aking buhay mas naaisin ko pang umupo sa gitna ng madawag na nga damong talahib o damong gala kaya...para bagang dinuduyan ang diwa mo patungo sa himpapawid, isinasakay sa ulap, tinitipon ang bawat hangin upang makipaglaro sa mga tutubi, paru-paru, gamu-gamu, mga galang tipaklong...Ninais ko minsan ang muling maupo, manahimik sandali sa umaalingasaw na baho ng lipunan, mamahinga upang sa susunod ay pagbubutihan ang laban, umupo upang pagmunimunihan ang kahapon, sindihan ang paparating na bukas...Gusto kong kausapin ang talahib sa gitna ng parang kung bakit hindi sila nababali sa malakas na indayog ng hangin at laging nakamasid sa ulilang langit...kung bakit nabubuhay silang tahimik, walang ingay, kontento sa maralitang kalagayang kanilang kinabibilangan...Kung bakit tuwing sisipol ang tahimik na batis sila'y kumikending, sumasayaw,umiindak para sundin ang utos ng tampalasang hangin...Gusto ko minsan nguni't para bang pinipigilan ng mga nalalagas na panahon, ng mga natataktak na mga taon...gusto ko nguni't sumisilay ang nakakapoot na katotohan...nakakadismayang katotohanan...Gusto ko nguni't...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment