Tuesday, April 8, 2008

Tuksi ( Ang paggapas ng Diwa) sampung tula ng buhay at pakikipamuhay

Tubig-kanal
Richard P. Moral, Jr.

Mula sa kanugnog na bukid
Sa gumiwang-giwang na panot nang burol,
Sa pagsudsod sa lubak at wakwak nang talamapas,
Sumusuot sa manipis na mukha ng lupa, sumusutsot sa abuhing putik nang baliktad na nayon,
Nagpagiwang-giwang sa gitna ng dalisdis, hanggang sa titilapon, matitipon,
Aabutan ng isa, dalawa, tatlo o higit pang araw…
Ng buwan,
Ng taon…

Naglilihi ang kaibigang palaka,
Hanggang sa mamintog ang tiyan, kakabad na lalabas ang banyagang “pito-pito”,
Sasakupin ang malabnaw na tubig,
Na nagmula pa sa ugat ng dayami,
Sa ubod ng saging, kinahig ng dalisdis
Hanggang sa titilapon, matitipon, aabutan ng isa, dalawa, tatlo o higit pang araw…
Ng buwan,
Ng taon…

Padausdos na susugod, mula sa saluysoy ng bukid
Patakbong bumubulwak sa mahapis na sapa,
Natipon na ang pamatay peste, sumanib ang pamatay kuhol
Sa irigasyon, sa dam, sa krek
Nagsadiwa kasama ang banyagang “pito-pito”
Sasakupin ang malabnaw na tubig,
Na nagmula pa sa ugat ng dayami,
Sa ubod ng saging, kinahig ng dalisdis hanggang sa titilapon,
Matitipon, aabutan ng isa, dalawa, tatlo o higit pang araw…
Ng buwan…
Ng taon…

Ang lamawa’y nasaid na…
Dumulas pati ang mumo, tinik ng galunggong,
Buto ng baboy na uhugin at ang tanging dumikit ay ang laway ni Bantay sa batong makinis…
Natipon na ang pamatay peste, sumanib ang pamatay kuhol, sa irigasyon, sa dam, sa krek
Nagsadiwa kasama ang banyagang “pito-pito”
Sasakupin ang malabnaw na tubig,
Na nagmula pa sa ugat ng dayami,
Sa ubod ng saging, kinahig ng dalisdis,
Hanggang sa titilapon, matitipon, aabutin ng isa, dalawa, tatlo o higit pang araw…
Ng buwan..
Ng taon…

Sa marangyang kanal ay nagsusumiksik ang nasaid na tubig sa lamawan, ang nadulas na mumo, tinik ng galunggong, butong baboy na uhugin kasama ang dumikit na laway ni Bantay, ang pamaty peste, pati ang pamatay kuhol mula sa irigasyon, sa dam, sa krek,
Kasama ang “pito-pito”, sasakupin ang malabnaw na tubig, na nagmula sa ugat ng dayami, sa ubod ng saging, kinahig ng dalisdis, hanggang sa titilapon, matitipon, aabutan ng isa, dalawa, tatlo o higit pang araw…
Ng buwan…
Ng taon…
Maaanod…
At si Totoy ay naghihintay sa tubig-kanal, maglalaro siya ngayon,
Siya’y maglalaro…


ULAN
ni Richard P. Moral Jr.


Ako'y lalakad...
lalakad kasama ang ulan,
kasama ang patak na marahan
at lamig na napaparam

Doon kami pupunta
kung saan ang tumana ay natitigang na,
doon kung saan ang uhaw na lupa ay papuputikin,
doon kung saan ang tao'y sabik makasilip ng tubig sa langit...

Lalakad kami,
lalakarin namin ang sansinukob,
iwiwisik sa mga bitui't buwan ang tubig, ang luha!
sa pagas na lupa'y biglang isasabog!
at ipupulupot sa bulalakaw at apoy, ng sa ganu'n
wala ng init na mararamdaman.

Ididilig sa bakal na puso!
ang lamig nito'y ipapasutsot
nang sa ganu'n ang tungkil na galit
ay unti-unting maaagnas,
ako'y titila lamang kung wala ng poot sa lupang pihikan,
kung wala ng init sa diwang tinatalian......!!!



SLASH AND BURN
Ni Richard P. Moral, Jr.

Piak pa ang bukid sa may tumana
habang laslas pa ang umagang
bumabalot sa kawalan,
isang dipang liwanag ang sa aki'y tumingin.
sa kanan ng dambuhalang kawaya'y
sumisigid ang kahapon, sa hanging umaanas-as,
sa lawiswis ng mga sapang natutuyot
sa mga dahong nalalagas at nahuhulog sa humihingal na lupa'y
unti-unting kumikislap ang liwanag,
Alam kong nadadama ko ang alikabok
ng kahapon, naaaninag ko ang patay nang Nayon...
sa ugat ng mga punong tadtad ng talim...
Sa mga sabog at wasak nang pakpak ng mga alitaptap
sa mga magagaspang na bato ng kabukiran
nakalatag ang uhaw na mukha ng bukid,
nakabuhaghag ang bangkay na mga tanim...
Putol ang mga punong matatag at malakas
putol sa kadahilanang slash and burn ang pinagmulan!
putol habang wakwak ang nakakalbong burol!!!

Subalit humihinga siyang winawaksi ng panahon,
bumubulong ang burol sa walang malay na mga taon!
dumadaing habang sinusuyod ng panahon.
humihikbi kasama ang mga bituin tuwing hatinggabi,
lumuluha sa mga kaluluwang ligaw!
Pagas! tuyot! walang buhay!
bubunuin isang araw ang pagkabkab ng lupa,
kakalkalin ang pusod nito't huhukayin
hanggang sa madusta ang paligid,
mamahinga ang gulod
at habang lumulubog ang araw,
sumisipol ang burol sa kalangitan
humihingi ng isang pahinga...
Isang mahabang pagkakatulog
sa mainit at maalinsangang "slash and burn".

Pamumulaklak
Richard P. Moral, Jr.

Ang oras ay unti-unti nang kinakain ng dilim,
Ang bango at siphayo ng bulaklak ay umaalingasaw na,
Handa na siya!
Sa pagsikat ng araw na malapsaw
At sa pagtulin ng agos ng dilim,
Ang pagkumot ng lamig sa sariling katawan,
Ang paghamog ng paligid,
Lahat ng ito’y tanda ng pamumulaklak,
Bumagyo man o umulan,
Tumatayo pa rin ang munting bulaklak sa dilim,
Sa nipot ng kinang na kanyang dinadala,
Sanay na siya sa kanyang pag-ulirat sa gabi,
Sanay na ang kanyang bango na kumalat sa pusikit na lansangan,
Sa kanyang pamumulaklak ay gusto niyang makaalpas
Sa dilim,
Sa gabi,
Nawa’y may makita siyang kinang sa landas na kanyang pinamumulaklakan,
Nawa’y may pumitas sa kanyang ganda,
Kahit nakalubog sa putik ang kanyang kapara.
Nawa’y sa paglaglag ng kanyang bulaklak ay mahulog sana sa maliwanag na lupa,
At sa kanyang paglago’y makasilip sana siya ng katahimikan
At kaliwanagan sa kalangitan…


MGA DAHON SA TANGKAY
( Isang pagpapakilala sa tula ni RPMJR)
Richard P. Moral, Jr.

Isa-isa, dahan-dahan
Langkay-langkay, pulu-pulo
Pangkat-pangkat…

Sa silong ng mga naagnas na dahong naglalamay,
Sa gilid ng mga nabubulok nang ugat,
Mga wasak na siit, mga tadtad ng kawayang inaamag sa sulok ng kawalan,
Mga kinakalawang na lata, basag-basag na bote ng tikila,
Long neck, vino, mucho at vodka, mga nilulumot nang bato sa makitid na saluysoy, mga gibang kural sa maalikabok at gusgusing landasin na pinapalamutian ng mga pira-pirasong bubog, mga tipak-tipak na paso, ng mga pudpod at nilalagom nang tsinelas…

Isa-isa, dahan-dahan,
Langkay-langkay, pulu-pulo
Pangkat-pangkat…

Sumusupling ang halamang patay
Mga tangkay na walang buhay,
Nagkaugat, nananalinsing, tumutubo nang patwarik,
Yumayabong, tumataba,
Tumitingkad, lumalago kung masikip ang paligid,
Kung makitid ang mabatong landasin!
Malusog kung nabubulid ng mga sachet
Ng mga shampoong pampalusog ng buhok, pampawala ng balakubak!
Pampataas, pampaiitim…
Kung natatambak ng mga inuuod na mga tirang pagkain, mga balat ng pakwang pininid sa eskinita, sa kanto, sa gilid, at sulok.

Napipigtal sa katanghalian, may lilim walang silbi, bangkay,
tuod ang katawang patpatin,
mga dahong natitinag sa hanging tampalasan,
mga tangkay na marurupok, nawawasak na punong kalansay, nababakling katawang sa hangi’y umuunday…

Isa-isa…
Nalalagas, nakakalbo, nababansot
Napaparam, nanginginig sa tagsibol na darating, namimilipit sa katigangang sakdal-tiim,
Lalambi-lambitin ang dahong walang imik
Habang tinutugtugan ng mga aliping butiki,
Ng mga lipaking tipaklong, salaginto at salagubang…

Dahan-dahan…
Maglalaho rin ang buhay na ito…
Pipinid
rin ang higanteng durungawan…
Kikipot rin ang malawak na kalangitan habang sumusulyap sa nakalipas,
Sa mga inaantok nang mga araw, sa mga nahihimbing na gunita…
Ngunit hindi pa ito magmamaliw…
hinding-hindi ito magmamamliw…
Hinding-hindi.


BILOG ANG BUWAN
NI:Richard P. Moral Jr.

Bilog ang buwan ngayon!
sa tuktok ng bundok ay inyong pagmasdan,
may munting kadiliman sa kanyang kabilugan.
Ang ulap ay manaka-nakang bumabalot sa kanyang katawan, at ang munting bituin sa kanyang paanan, pansinin mo kaibigan, na wari nagbubulungan!
Iyong pagmasdan ang kanyang banaag,
di ba wari'y malamlam? na dapat sana'y walang hangganan,
pero bakit walang ilaw sa aming bakuran? wala ni isang liwanag ang tumagos sa aming tahanan?
A!
'oo' nga pala! kami'y wala sa aming tirahan kami'y nasa duyan, nasa silid ng pook gitgitan sa pasilyong aming nilalapagan....
Ngayon nga'y bilog ang buwan..
sa aming pagtulog ay amin na lamang pagmamasdan na ang buwan ay bilog!
Bilog na bilog!

MADRE de CACAO
Richard P. Moral, Jr.

Kumakaway tuwing bumubulwak ang madugong sinag ng araw,
sumasanib sa pawisang anag-ag ng Mayo
Nalalagas, Naaagnas sa pagas na lupa ng kabihasnan, ang mga dahon na umaalon-alon sa gitna ng kalansay na nayon, ang mga marurupok na sanga, nakaangklang tadyang na animo'y binti ng lagnating bata, ng sakiting matanda...
ayaw kong pagkumot sa tulyapis na araw ay masilayan ang kanyang pigura...isang nagmamakaawa't tumatangis na nilikha na pinaghele ng malayong kabihasnan, isang tumatawag sa di maabot na kawalan...
ayaw kong tanawin siya sa durungawang humihikbi pagkat para ko na ring inari ang kanyang hapdi!
para ko na ring sinulo ang makamundong hilahil!
kung nais niyang magdusa'y ipalunok sa kanya ang dagok, ang unos, ang apoy, ang lamig... kung nais niya'y bakit ko aagawin ang putong?...
kung sa ganyang dahilan ay mababayaran niya ang karamutan, kung sa paraan iyan, diyan lang siya makakabangon, maiaahon!!
ang pagkamadre niya'y lamunin ng dagta, lukubin ng pulot, hilahin ng mga bubuyog, tutubi...hilahin para itigil ang pagpapakaaba! ihinto ang pananahimik...ang pagpapatiwakal...ang pagpapatianod...
hilahin siya ng mga surot, butiki, gamu-gamu, ng mga anay... ng ipis...ng mga insektong walang malay para lumaban...lumakas...tumatag...magbitiw ng salita...wasakin ang moog... ang tanikala...
durugin! pagpirapirasuhin ang kadena! ang araw... ang tigang na lupa...ang sakiting mukha para makawala sa hampas at latigo ng panahon!
wasakin...durugin!!! madre de cacao!!!

UMAGA
Richard P. Moral Jr.

Isang apoy ang muling sisibol sa silangang bahagi ng bughaw na langit,
Piping karimlan ay agad nababasag sa ingay ng paligid na dala ng banaag. Hihimasin, hahalukayin, hahagkan ang bawat masasagi, matutuyo, malalanta, maluluoy ang lahat ng mga may buhay, sa isang umaga.
Datapwat gulong ang lakad ng bawat kariktan mamamatay ang isa'y mayroong sisibol, kakaway ang isa pagkatapos...mamamaalam! ginto ang hamog na kukumot sa iyong paanan,
Habang perlas ang luhang namamatak sa iyong kalooban, At maya-maya'y biglang isasabog ng liwanag ang mabagsik na ulan, sa tigang na lupang nauuhaw sa langis ng langit at pawis ng Diyos,
Umaga...pagkatapos mangalirang ang mga may buhay,
tanghaling may pamamaalam ang lunggating dinadala ng sanlibutan, at pagdarapithapon ito'y malalaglag,
mananalangin muna sa munting anag-ag at muling mangangarap na sana may isang umagang wala ng dusa't hirap!.


PAGBAGSAK NG ULAN
RICHARD P. MORAL JR.

Halika kaibigan,
sabay tayong maliligo sa ulan, magtatampisawan tayo,
magbababad sa ilog at kapagka bumaha
ay hintayin nating humupa ito;

Pupunta tayo sa madamung bukirin
at doon natin hintaying tumila ang ulan,
magpalibut-libot at magpagulong -gulong sa gitna ng damuhan,
magsisigawan at magtatawanan kasabay
ang kulog at kidlat...

Halika kaibigan,
gagawa tayo ng kastilyong lupa,magtatakbuhan
tayong kasama ang hangin at mag-aawitan kasabay
ang pagbagsak ng ulan...

Gagawa tayo ng bangkang papel
at bigla ay ilalagay sa ibabaw ng tubig,
kasabay ng pag-anod ay ang pagtakbo
ng panahong kaybilis...

Malilimutan man natin ang masayang gawain, ngunit kaibigan
ang kabataang ating nilandas
ay kukulaya't patuloy na itatatak sa diwa't puso
hanggang sa tayo'y mawalay...

Ganyan ang buhay, kaibigan
mga bata tayong naglalaro sa lilim ng ulan
at pagkatapos nito'y sisikat ang haring araw,
daratal at magniningning ang liwanag ng bukas...

Magkaminsa'y nasusugatan tayo, nadarapa sa gitna
ng kaligayahan, ngunit ang pagbangon ay andiyan na sa atin
at bukas makalawa, kasabay ng pagbagsak ng ulan ay titiklop naman tayong naaagnas sa bawat patak....



PAG-AALAY
Ni:Richard P. Moral Jr

Ipitik mo, o, aking tadhana ang munting banaag sa aking diwa,
hayaang tumulo ang perlas na luha, sa bangkay na moog ng mga dakila...
Iwisik mo patungong papawirin, ang dugo ng aking damdamin, ang pagas na lupa'y bayaang basain, ng mga panimdim ng aking simulain...
Ipulupot mo sa nakadadarang na apoy ang aking luha,
unti-unti mong agnasin ang mahapding damdamin, nang sa ganu'n malulunod sa matinding kadiliman ang pusong sinasakal ng panahon!
Sa kalungkutan ay dahan-dahan mo akong isalang, ihulog mo ako sa karahasan, sa kapighatian, sa matinding kawalan.
Tadhana ako'y iyong buhayin!
buhayin sa piling ng mga kaluluwang matampuhin! sa mga bangkay na walang damdamin!
Ang pag-aalay na itoy taos sa puso, kung para sa kadilimang lumulukob sa aking bayan...
Boung tapang na iniaalay ang diwang manhid, kung para sa bayang dinusta't nilupig! Kung saka-sakaling ako'y wala na't inuoud na! bayaang ang ala-ala'y buhayin, buhayin ng mga taong pinapatay ng kanilang adhikain...
at sana'y sisibol sa kanilang puso ang tunay na halaga!
Na ang diwa'y matapang! Na ang paninindigay kailangan!

No comments: