Ang haraya ay ang pagliliwaliw ng isip, upang makimasid, makipaglaro sa guni-guni, makahalikan ang alitaptap tuwing gabi, makaniig ang buwaya, tutubi at paniki, ito'y ang pagsisid sa pinakadulong bahagi ng ating buhay...upang mamuhay at makipamuhay...ang maaliw at malibang...upang manakip at manguha ng mga banyagang HARAYA.
Friday, December 28, 2012
KAHAPON HANDOG KO SA AKING IKA-26 NA KAARAWAN
Kasama ang mga ulilang tala,
Ang alingasngas ng mga uhaw na gamo-gamo
Dinuduyan ng nakaraan ang mga hilaw na pangarap
Kakawang-kawang sa gitna ng sandamukal na putik,
Lalambi-labitin sa tugatog ng pangungulila,
Habang tinatangay ng ugoy ang mga nilulumot na bakas ng kahapon
Sinusunog ng nag-aalab na damdamin ang lunggating hindi naaaninag at kailanma’y di maaaninag.
Lumilipad ang mga alipato ng abong mithiin, dahan-dahang tumutugpa sa malawak na dawag ng kawalang patunguhan…
Ngunit ang dating nabukbok na mga alaala,
Ang lumang tanikalang gumagapos sa nagkagutay-gutay na isip,
Ang kalawanging kahapong pinarupok ng pagsubok,
Kasama na ang inaanay na paniniwala’y pinalitan ng pag-asa.
Sa ika-26 na taon ng pakikibaka
Muling tatanaw sa laot ng pag-iisa ngunit may aliwalas na mukha sa pagharap ng sigwa,
Muling magtatampisaw sa matabang na batis ng tagumpay ngunit hindi magpapakalunod,
Kasamang sisikat sa ika-26 na taon ng pakikitilad
Ang ginintuang pusong handang sumuong sa hamon ng panahon,
Ang nahubog na pananampalataya sa gitna ng nakalululang mga banta.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
May I have your permission to quote some of your sentences. It's for my project, a study of Tagalog words, usage and etymologies, which I intend to publish on the website, non-commercial, i.e., no advertisement will be posted, no payment from anyone at all.
Here is a sample of how I intend to present your sentences:
“Lumilipad ang mga alipato ng abong mithiin, dahan-dahang tumutugpa sa malawak na dawag ng kawalang patunguhan…”
BY: Richard Moral Jr
Article: KAHAPON HANDOG KO SA AKING IKA-26 NA KAARAWAN
Dated: December 28, 2012
Website: haraya-richard.blogspot.com
Thank you,
Maria Zachary
Lady Godiva
Post a Comment