Ang haraya ay ang pagliliwaliw ng isip, upang makimasid, makipaglaro sa guni-guni, makahalikan ang alitaptap tuwing gabi, makaniig ang buwaya, tutubi at paniki, ito'y ang pagsisid sa pinakadulong bahagi ng ating buhay...upang mamuhay at makipamuhay...ang maaliw at malibang...upang manakip at manguha ng mga banyagang HARAYA.
Saturday, September 14, 2013
HINDI NA AKO MARUNONG MAGSULAT
Richard P. Moral, Jr.
Hindi ko na alam kung paano gamitin ang bolpen,
Ang daho’y wala na ring halaga sa akin,
Ang ula’y malimit ko na ring pansinin
Wala na ang dating apoy sa aking puso.
Ni hindi ko madalaw ang ilog na noo’y araw-araw kong sinusuyo.
Gaano ako kataksil sa aking damdamin
Na pati ang luha’y ayaw ng kanlungin.
Ang gabi’y pumanglaw sa dusa,
Sa iyak ng magdamag ayaw ng sumanib
Sa diwa kong may angkin ng talahib.
Wala ng lakas ang kamay,
Ang pagpanday sa tula ay wala ng saysay.
Binusabos ng oras ang iwing hangarin,
Inalipin ang haraya hanggang sa nabaog.
Wala na ang dating malawak na nasa
Tumakas sa gitna ng pagpapakaaba
Kumupas na ang malikot na mithiin,
Inantok ang damdaming napuwing
Ayaw nang magsulat sa pagkakahimbing.
Paano muling tutupdin ang hiwaga?
Maniwala sa hula sa gitna ng tuwa
Paano muling paaalabin ang siklab sa pusong may kalawang nang angkin?
Paano muling titipunin ang luha ng mga bituin?
Gumawa ng bangka sa laot ng digma,
Paano pa patitibayin ang nabaling sanga ng mithiin?
Paano pa mabubulungan ang damo sa ilang?
Gayong nabunot na sa puso ang dating pagsusumamo
Wala na at ang dating gilas ay nakaalpas
Sa puso ko’y anong silbi ng pagsusulat
Kung ayaw ding mamulat ng dukha sa hirap.
Hindi ko na kayang magsulat pagkat wala ring babasang maingat,
Pupunain pa sa gitna ng lahat,
Kaya’t hindi ko alam kung marunong pa ba kaya akong magsulat?
May nakuhang bayabas si tomas
Richard P. Moral, Jr.
Dalawang gasgas, dalawang sugat
Dalawang sugat na nananatak,
Tumatagaktak ang pawis ni Tomas
Kumukurot, kumikirot, sumusuot ang hapdi
Sa tuhod ni Tomas dahil sa likot
ay nahulog sa marupok na sanga ng bayabas.
Tuluyang umaray si Tomas, daig pa ang kalabaw sa pag-unga,
Walang binatbat ang kokakan ng mga palaka.
Dalawang gasgas, dalawang sugat
Dalawang hinog na bayabas
Ang nakanganga sa tuhod ni Tomas.
Hindi lang dalawang beses pinagsabihan ni Letlet
Na huwag umakyat sa punong bayabas si Tomas,
Ang nais ni Letlet ay manungkit, ayaw ni Tomas.
Ayaw ni Tomas ang manungkit, gusto niyang sumabit
Gusto niyang sumabit kaya ngayon siya’y may gasgas,
Dalawang hinog na sugat dahil sa bayabas.
Subscribe to:
Posts (Atom)