Friday, December 28, 2012

GOODBYE MY TITSER, GUDBAY ni Richard P. Moral, Jr.

Bago ako nagtapos sa kolehiyo ay nangako ako sa aking sarili na kung ako man ay papalaring makapagturo agad nanaisin kong magturo at magbigay ng aking nalalaman sa mga kanugnog bayan, sa mga pamayanang walang-wala sa buhay, sa mga sityong pinamumugaran ng karalitaan, sa mga lambak, bundok, talampas na hindi naaabot ng gobyerno, sa mga kabundukang hindi nakamalas ng bagong mundo, sa mga lugar na tanging ang kayamanan ay ang kanilang kultura at paniniwala o di naman kaya’y sa aming nayon (tagabundok kasi ako) tagapagbalik ng dating sigla ng aming sityo. Nangarap ako ng ganito sa mga huling taon ko sa kolehiyo. Naglalaro sa aking balintataw ang galak sa tuwing naaaninag ko sa aking isipan ang malayong pamayanang yaon, para bagang kinundisyon ko ang aking sarili na ako’y magiging guro ng mga batang pinagkaitan ng kapalaran at huhubog sa kanilang paniniwalang magiging sulo nila sa landasing madilim. Lumaki ako sa nakatagong sityo sa paanan ng bundok, ang Mambucal¬ (sinabi ko nang ako’y tagabundok), isang malawak na paraiso para sa akin ang nayong ito kung kaya ang lahat na maaari kong makamit sa buhay ay alay ko sa kanya, nais kong paglingkuran ang aking barangay sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa aking napulot na dunong, ngunit, kamakailan lang walang puknat ang brown out sa aming nayon (nasa sulok kasi kami ng Mindanao) at wala ni ulan ang kumatok sa bubong ng aming barangay, ni walang hanging malamig ang dumuyan sa napipigtal na dahon ng bayabas, kamatsili, kasoy at madre cacao. Sa madaling salita nawalan ako ng ganang mangarap, ng kagustuhang magturo sa aming paaralan malapit sa aming likod-bahay. Wala na kasing kaluluwa ang mga damo sa bukid, binaog ng makamandag na anag-ag ng araw, wala na ring dahon ang mga tangkay ng puno, pinunit ng dagitab ng makapangyarihang bola sa kalangitan. Wala kang matanaw na berde, wala kang makikitang luntian, tanging mga damong mabalasik lamang ang naiwang nakadipa sa mainit na sikat ng araw tulad ng kulitis at hagonoy. Ewan at napakalapit ng puso ko sa aking nayon, nasasabik ako tuwing papauwi na pagkatapos ng aking klase, parang kumakaway at nagsasabing “bilisan mo’t may ibubulong ako,” ang gulugod ng bundok habang nilalatagan ng kadiliman, may kung anong saya akong nararamdaman sa tuwing gigising ako’t umuulan sa aming nayon, ngunit ngayon nga’y parang nababalot ng hiwaga ang aming lugar, ni walang tubig-ulan ang tumulo sa aming bubong dahilan upang ang aking kasabikan ay lumamya, paparating na kasi ang graduation sa mga panahong yaon at nais kong una akong magturo sa aming nayon kahit na P.T.A paid sa kinder o nursery, basta’t sa bundok lamang ako dapat unang makapagturo, kung hindi man sa aking nayon ay sa mga kalapit bundok dito sa aming probinsya. Ngunit sa nangyayaring kababalaghang ito, ayaw siguro ng aking sityo na siya’y aking paglingkuran, may nais siyang sabihin sa akin ngunit hindi ko maintindihan…. Produkto rin ako ng multi-grade instruction, ibig sabihin sa isang klase ay may dalawang antas o baitang na tinuturuan ang guro, kung kaya naririnig ng grade 5 ang aralin ng mga grade 6 o ng grade 1 sa grade 2. Kung nagsusulat ang grade 3 ay nagbabasa naman ang grade 4 habang kumakain ng mani ang aming guro na may mahabang patpat, kung minsa’y tumatalsik ang kanyang laway habang nginunguya ang malulutong na mani at kundi man ay tatawag ng mag-aaral at siya’y hihingutuhan o di naman kaya’y kukunan ng uban habang ang lahat ay nakatutok sa aklat (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa) binabasa namin ang mga pahinang hindi naipaliwanag at nahimbing sa kanyang mga kamay. Aliw na aliw ang aming guro sa bawat ginintuang buhok na sa ulo niya’y mahahabas. Dahil produkto nga ako ng Multi-Grade Instruction naging pamilyar na sa akin ang ginagawa ng aming guro. Exercise sa umaga, basa ng lumang aklat na PRODED o Hindi Ipinagbibili, Pagmamay-ari ng Gobyerno na siguro’y inilimbag pa noong 1980, recess, sulat sa Formal Theme o Sulating Pangwakas na kailanman’y hindi ko nakita na may tsek o marka, ang masama’y (masama ba?) seryoso akong nagbubungkal ng mga salitang di kapani-paniwala na siguro’y hindi kailanman nabasa o nabuklat man lamang ng aming guro, tapos nu’n uwian na. Sa hapon, kailangang may tool ka, noong una’y akala ko talaga na ang ingles ng surot o pisaw (yung ginagamit sa paghahalaman kung saan ibinubungkal ito, may malapad na mukha, tamang-tama para makakuha ng lupa) ay tool, sapagkat sa araw-araw na ginawa ng Diyos ito ang kanyang bukambibig “okay, bring your tools” at ang bawat hapon nami’y isang patimpalak ng mga hardinero at hardinera, patabaan ng halaman, kung mamamatay ang gulay tiyak patay rin ang grado. Ngunit, ang hindi nila naitatanong ay masaya ang gayon. Masaya sa pakiramdam na mapiling tagabunot ng puting buhok, nakakalulugod isiping ikaw ang tinawag para isulat sa pisara ang mga tanong na alam naman naming naroroon na sa aklat, nakagagaan ng diwa kung ikaw ang tagahawak ng Class Record, hindi lang basta tagahawak, tagarecord pa. Tagasagot ng tanong na mahirap, tagatimpla ng kape, tagabili ng mani, tagalinis ng step-in, tagabungkal ng lupa, tagalinis ng hardin, at marami pa. Naaaliw ako sa bawat pagkakataong ang pangalang Richard ay matatawag lalong-lalo na pagkatapos ng pagsusulit, tiyak ako na naman ang tagawasto o di naman kaya’y tagasagot, hinahanap ko pa kasi sa aming aklat ang mga sagot at ipapakita kay ma’am bago ito umuo na tama ang aking sagot, anong saya ng aking puso kung ako ang napipili sa mga oras na yaon, anong lugod ng aking pakiramdam, nakatataba ng puso. Kaya nangarap akong sa bundok magturo, o di kaya’y sa aming sityo, o sa bulubunduking hindi maaninag sa gitna ng dawag at malalapad na palayang nakukulapulan ng palay at mais hindi upang tularan ang ginagawa ng aking guro noon, hindi rin upang magpakasasa ako sa gaan ng trabaho ng mga guro sa bundok. May nais akong tuklasin. May nais akong patunayan at magtutulay ang aking pangarap sa ginintuang himig ng pagtuturo. Magdadala ng kasabikan sa aking pagkatao. Naiisip kong anong saya kung may dala-dala akong mga talong, okra, papaya, kalabasa habang binabagtas ko pauwi ang aking bahay, anong tuwa ko marahil kung may bitbit akong sakong malunggay o monggo kaya, habang sila’y sumisigaw ng goobye my teacher, goodbye! Nakatatawa sigurong isipin na habang ako’y lumulusong sa putik ay nababaon ang aking paa, narurumihan ang aking pantalon, pinapawisan ang aking noo at marahil ako’y iitim, masusunog ang aking balat, mawawakwak ang aking tuhod, malilinsa ang aking mga buto sa pag-akyat-baba, at ako marahil ay pagtatawanan nila. Sisigaw sila sa akin kung bakit ang dating mukhang hinangaan ng lahat ay nagkagayon, hahamakin nila at sila’y magsasabing “hindi ako magtuturo sa bundok ayaw kong maging katulad ni Richard.” Si Richard na isang honor student, lider sa paaralan, presidente ng Kolehiyo ng Edukayon, makata ng paaralan, mananalumpati, sanaysayista ng paaralan at lahat-lahat na maaaring iugnay sa asignaturang Filipino ay kanyang nalalaman (hayaan niyo na lamang na ako’y magyabang), ay isang guro lang sa bundok? Marahil magtatanong sila ng ganito, magtatanong ang aking pamantasan kung bakit hindi ko tinanggap ang kanilang alok na maging guro sa kolehiyo bagkus mas pinili ko ang maglayag sa mundo ng kawalang pag-asa, doon malayo sa katanyagan, doon malayo sa sibilisasyon at walang pag-unlad na matatamo sa sarili. Pupukawin ng kumakalansing na lata ang aking guniguni habang naglalakbay sa malalabay at matatarik na kagubatan, sisigaw ang mga batang naglalaro ng tumbang preso sa daraanan, mapapatid ang kanilang mga tsinelas sa kahahagis. Matatawa siguro ako sa mga pagkakataong ito sapagkat bumabalik sa aking isipan ang malawak na karanasan ko bilang bata, pagmamasdan ko sila hanggang sa makikita ko ang aking sariling nakikipaghagisan din, nakikipagbunuan, nakikipaghabulan, nakikipagharutan sa mainit at maalinsangang kalsada, magbabalik ang aking garalgal na boses, matitinis ang aking magiging hiyaw, magagaslaw ang aking kilos na nasasabik kung sino ang magiging taya sa taguan o habulan at mahaharot ang aking hakbang habang sinisipa ang latang naligaw sa bundok na yaon at pagkatapos, marahil kami ay bibili sa kalapit-tindahan, sa kanto ng isang malabnaw na ice candy o di kaya’y isang nilalagnat na tubig na nakabalot sa isang supot. Uupo kami sa isang malilim na puno ng mangga habang sumasagitsit ang pawis sa aming noo, papahirin ang mga duming nagkalat sa aming mga pisngi at makikita kong muli ang mukha ng aking kabataan, madadama kong muli ang bugso ng hinihingal na damdamin at para akong aanurin sa mga panahon ng kakulitan, sa mga panahong nababalutan ng hiwaga ang kawalang-malay, sa mga panahon ng kalituhan at kaguluhan. Sisilipin namin ang guwang ng puno at sasama akong titihaya sa damuhang inilatag ng kabukiran, sasama akong magpapagulong-gulong sa gitna ng dawag at kasabay nu’n ay dinuduyan din ng mga halakhak ang nakalipas na mga taon. Pagagalitan ako marahil ng aking punong-guro at sasabunin, hindi lang basta sabon kundi sabong may bleach pa. Duduruin niya ako’t sisinghalan kung bakit ang isang gurong tulad ko’y nakikipaglaro sa kanyang mag-aaral, marahil iisipin niyang nawawala na ako sa katinuan, ipapatawag ako ng District Supervisor at marahil ilalagay ako sa opisina, pagmumukmukin ng mga papel at mesa ang aking alaala at ikukulong ako malayo sa kabukirang ninanais kong turuan. Nilalakdaw ko ang mga panahong ito, ipinapasayaw ko sa aking isipan ang mga posibilidad, ang realidad at katotohanan. Nasa huling taon ako ng aking pag-aaral ng si Ama ay sumuka ng dugo, bumulwak ang maraming dugo mula sa kanyang bibig, sa puntong yaon ay natigatig ako. Gayong si Ama ang sumuka ng dugo parang ako ang nawalan nito, habang inaapuhap ko sa kamay ang malabnaw na dugong kumapit sa sahig ay nasasalat ko ang kalungkutang nararamdaman ni Ama. Muli kong naalala na sa kandungan ni Ama una akong natutong magbasa, gayong siya’y tapos lamang ng grade 6 at pautal-utal kung magsalita ay nasungkit ko ang Best in HEKASI noong ako’y nasa grade 2. Wala naman akong aasahan kay Ina, ni hindi nga marunong sumulat ng kanyang pangalan, si Ina’y natatamaan sa tuwing pumapailanlang ang awiting “grade 1 lang ang inabot ko, no read, no write pa ako.” Ewan kung bakit sila’y nagkaroon ng isang baliw na anak. Naglalaro sa dilim. Nananalangin sa bituin. Naglalaro sa aking isipan ang mga magagandang bagay na mangyayari sa akin kung naroroon ako sa bundok at nagdadala ng liwanag sa kanilang buhay, para bagang hinahalina ako ng pagkakataon at tinutukso ako ng aking pangarap ngunit sinasampal ako ng katotohanan, kinukurot ako ng aking damdamin at totoong masakit kung ako’y mapapalayo sa aking nag-iisang yaman, ang aking pamilya. Pagkaabot ko ng aking diploma, Bachelor in Secondary Education Major in Filipino ay lubos ang aking kasiyahan, liban sa makakapagturo na ako ng mga kaalaman sa pinangarap kong nayon, may karapatan na rin akong magsabi, magsalita, magsulat sa wikang minahal at patuloy kong mamahalin. Maipagmamalaki na ako ni Ama, magagalak si Ina, ang aking kaangkan, matutuwa ang aking kabarangay, magdiriwang kami, sapagkat ang anak ng Mambucal, ang ipinagmamalaking anak ng aming nayon ay nakapagtapos at tiyak siya’y magtuturo sa malalaking pamantasan, siya’y kukunin sa mga kilalang institusyon, siya’y pag-aagawan ng mga paaralang pribado at siya’y maguguluhan. Napakasuwerte niya. Gayahin ninyo siya. Marahil ito ang isasambit ng aking magulang, kanayon, kababatang nagsipag-asawa na. Hindi kami mayaman at hinding-hindi kailanman, kung kaya malayo sa aking isipan ang magturo sa makikinang na paaralang pinamamahalaan ng mga madre at pari, mas tinubuan ako ng malasakit sa mga taong naroroon sa pusod ng kagubatan dahil alam kong isa ako sa kanila, at alam kong may ginto pang natitira sa bukana ng uling sa bundok at sa pamamagitan ng tapat at wastong pagtuturo sa kanila ay tiyak kikinis at magniningning na parang gintong dumaan sa matinding init. Sila ang mas nangangailangan ng magagaling na guro, sapagkat mawawala ang tradisyong hinabi ng dantaon kung hindi matuturuan ng tamang pagpapaunlad ng kanilang baul ng lahi. Hindi nila nababatid ang bulong ng aking puso, ang aking hinagpis, na ako’y magtuturo doon sa pinakamalayong lupain, doon sa hangganan ng langit, doon kung saan ipinipinta ang pangarap at bigla’y naglalaho, ako ang kukulay sa mga pangarap nila, ako ang magpapatibay ng kanilang mga paniniwala sa buhay, ako ang magsisindi ng kanilang liwanag upang ang landasing kanilang hinahangad ay hindi na lamang isang guniguni at ang mga pangarap ay kanila nang mahahawakan. Magdadala ako ng mga tapes, ng Cd, ng mg dokumentaryong nagpapakita ng tunay na kalagayan ng lipunan. Ipapalaman ko sa mga araling aking ituturo ang masasakit na katotohanang nangyayari sa ating kapaligiran, bubusugin ko ang kanilang mga mata upang sila rin na taga-bundok ay maging isang instrumentong tagahawan ng landasin, tagatuwid ng isang liko-likong daang babagtasin at taga-ilaw sa madilim na hangarin. Ipapaalala ko sa kanila ang aking kalikutan noong ako’y katulad rin nilang tumutuklas pa ng kaalaman, sa pamamagitan ng mga programang Wansapanatym at Hirayamanawari ay bubungkalin ko ang kanilang pagkatao at iuugnay ko ang aking natutunan sa mga programang ito. Kung paano ako tinuruan ng mga palabas na ito noon ay hindi ko mawari nakikita ko na lamang na pinapangaralan ako ng mga kabutihang asal na hindi ko pinanghahawakan. Alas nuwebe ng umaga ay umuuwi ako mula sa paaralan upang masilayan lang ang Hirayamanawari, magkaminsa’y nadudupilas pa ako sa sapa dahil sa pagmamadali, napipigtas ang aking tsinelas o di kaya’y nakakaapak ng alam niyo na, ganti ng kalikasan. Habang nanonood ako’y nakikita ko ang aking munting sarili sa sulok, hinuhubog, hinuhulma at ginagawang pino ang mga ugaling taglay ko, na hindi ko naman ipinapakita. Matatakot na akong sumagot sa matatanda dahil magiging kahoy ako, ang magsinungaling dahil tutubuan ng bukol sa mukha, ang magnakaw dahil hahaba ang kamay, ang mang-away dahil hindi magkakaroon ng mga ginto, ang magtipid sa tubig dahil mauuhaw, ang magtapon ng basura sa tamang kalagyan dahil didikit sila sa iyong katawan. Ang lahat ng ito’y itinuro sa akin, ipinakita ang katotohanang ang isang batang kagaya ko ay kailangang maging isang mabuting nilikha. Naging guro ko ang Wansapanataym tuwing linggo, binuksan ng programang ito ang aking puso upang magmahal, rumespeto, gumalang, at umunawa. Sa bawat pagwawakas ng palabas ay may naiiwang kurot sa aking puso, may isang bunga na biglang tumubo at binabago nito ang munti kong kilos na para bagang ipinagmamalaki nilang produkto ako ng makina at iluluwa ako sa isang magulong paligid upang baguhin rin ang kanilang pananaw. Tulad ng aking pagkatuto, tuturuan ko rin silang mangarap kung naroroon na ako sa bundok, na ang pinakamagandang ginawa ng Diyos ay hindi nakikita ng mata kundi nararamdaman ng puso, ipapalasap ko sa kanila ang tunay na kahulugan ng pakikipagkaibigan, sapagkat hindi ito nabibili sa kahit ano mang mall, shop, boutique at pharmacy (salamat sa lobo ng mag-usap sila ng munting prinsipe). Gamit ang mga programang ito’y muli kong ibabalik ang hiwaga ng pagtuklas ng buhay, ang hiwaga ng pagmamahal, muli kong lalakbayin ang kanilang mumunting mga pangarap at pipiliting hulihin yaon at lagyan ng mga ugaling dapat nilang taglayin, ipapalasap ko sa kanilang anong saya marahil ng bawat nilalang kung ang pagmamahal ay mangingibaw sa kabundukang kanilang kinalalagyan, ng kagubatang kanilang kinabibilangan. Sa saliw ng ulan ay ipaparamdam ko ang hinaing ng buhay na hindi lamang sa mga yamang pinansyal kailangang mabuhay ang isang tao, sa ugoy ng hangin ipapalasap ang malayang kandungang hindi mararamdaman sa lungsod, sisigid sa kanilang mga ugat ang kalayaan ng tao, ang determinasyong magtagumpay at bumangon sa anumang kabiguang mararanasan. Sa kaluskos ng kawayan ay muli kong ipaparinig ang kagandahan ng buhay kasama ang paligid, sa ragasa ng sapa’y ipauunawa na ang oras ang pinakamahalagang elemento sa mundo, sa matitinis na kidlat ay ipapakita na ang buhay ay punong-puno ng pasakit, ng mga hagupit, ng mga hinaing, ngunit ang pagtawag at hindi paglimot sa Poong Maykapal ang tanging magpapatibay sa atin. Sa malalamig na hamog ay muli kong gigisingin ang kanilang inaantok na pangarap sa bukid, muli silang kikilos at gagawa para sa pagbabagong kanilang hinahangad, sa madugong silahis ng pagdarapithapon ay ipapasilay sa kanila ang madugo ring tunggalian ng tao laban sa kalikasan, sa sarili, sa kapwa at sa Diyos, sa tahimik na bukangliwayway ay papaniwalain ko silang ang daratal na umaga’y isang pag-asang naghihintay upang muling lumaban, muling makipagtagisan, muling mangarap at buuin ang nawasak na adhikain, sa matimyas na ngiti ay muli kong ipipinta ang halakhak sa kanilang mga labi, na sa bawat unos ang ngiti’y hindi dapat walain, at higit sa lahat sa aking mga salita’y muli kong pupukawin ang damdaming nangangarap para sa sarili, kapwa, bayan at Diyos. Napakasarap isipin na maisusulat ko lahat ng aking karanasan kung ako’y nasa bundok, walang ingay, walang gulo, walang sakit ng ulo, walang problema sa trabaho, walang away. Napakatamis pakinggan kung magkaganun ang mga awit ng ibon, ang lagaslas ng batis, ang unga ng kalabaw, ang sagitsit ng putik, ang nakahahalinang hamog ng mga damo, ang perlas na dapithapon, ang tawanan ng mga gurong nagsisipagbaba sa bundok, anong kulay kaya ng aming paglalakbay? Ang mabubuo naming samahan ay totoo, wagas at tunay. Kami’y magiging kumpare, magiging dalisay ang aming pagdadamayan. Hindi namin puprublemahin ang promotion, kung sino ang Associate Professor IV o kung sino ang Master Teacher II, hindi kami mag-iisip sa aming thesis, ang tanging iisipin ko ay kung paano ako makakahubog ng isang taong may tiwala, pagmamahal at paggalang sa kanyang kapwa. Hindi kami magpapataasan ng ihi, hindi kami magpapatayan sa salaping makukuha namin sa bawat lakdaw ng aming rangko. Kung kaya, ito ang aking naging saligan kung bakit mas pipiliin kong magturo sa matataas na lugar, sa mga pamayanang walang-wala sa buhay, dahil hindi iniisip ang talino o hindi tinitimbang ang Master’s Degree o hindi tinitingnan ang Ph.D sa dulo ng pangalan, ang mahalaga ay kung ano ang nabago mo sa kanilang ugali, sa kanilang paniniwala, sa kanilang adhikain, kung paano mo ito pinatibay at kung paano mo ito paninindigan. ********************************** Nagsimula akong magturo, masakit mang isiping dahil sa sakit na nararamdaman ni Ama ay natali ako sa eksklusibong paaralan, mas malaki-laki kasi ang aking makukuha kumpara sa Isanlibo’t limandaan na ibinabayad ng aming barangay sa isang Day Care Center Teacher hindi sapat na pantustos sa gamot ni Ama. Binura ng institusyong ito ang aking pangarap, dahan-dahan nitong ikinikintal sa aking isipan na mas malawak ang mundo sa lungsod, mas mapanghamon ang bugso ng buhay kasama ang magulong siyudad. Hindi na awit ng ibon ang sasalubong sa iyo tulad ng aking pinangarap na buhay, kundi sangkatutak na sasakyang walang habas sa pag-iingay, wala na ang lagaslas na dumuduyan sa aking pandinig tuwing naiisip ko ito, napalitan ng mga hugong at busina ng mga malalaking bus at dyip. Kailangan kong makipagsabayan sa lipad ng aking trabaho, kailangan kong palitan ang takbo ng aking utak, kailangan kong makipag-gitgitan sa marahas na mundong aking kinasasadlakan, kailangan kong magbago ng baluti, ng aking armas upang manatiling nakatayo sa gitna ng laban na kung tawagi’y buhay. Kinain ako ng modernisasyon na hindi ko kayang pigilan, at ang dating Richard ay dinurog ng panahon, pinilipit at sinagasaan nito ang aking adhikain, ipinatungga sa akin ang mapait na dagok ng pandaraya, ng pakikihamok, ng pakikipaglaban, ng pakikipag-away, ng pakikipagtalo, tinuruan akong maging rebelde, hinasa akong maging suwail, nagkasungay at nagkaugat, nagkamalay at naging marahas. Sa paaralang ito ang pagtuturo ay pakikipagtunggali, ang edukasyon ay walang kamatayang paglipad sa mundo ng karunungan kung kaya’t kailangan mong lumaban, makipagdagitan, kailangan mong magkaarmas, kailangan mong tumibay sa pamamagitan ng pagkabit ng mga salitang MAED, M.A, MPA, MBA, at iba pa. Kinain ko ang aking winika, muli kong nginuya ang aking isinuka. Nakita ko na lamang ang aking sarili na bitbit ang isang enrolment form, Master of Arts in Teaching Filipino, nahintakutan ako. Nanginginig ako habang isinusulat ang iba’t ibang kritikal na panunuri para sa pangangailangan ng bawat asignatura, parang malayang nakagagalaw ang aking mga kamay upang makalikha ng mga kaisipang dati-rati kong tinatakpan, ayaw kong sumulat ngunit nag-aalburuto sa loob at nais kumawala, kung kaya nabasa ko na lamang isang hapon ang aking naisulat… Ang Marso ay may hatid na lamig sa aking puso May kubling tinik ang tsinelas sa silong ng kubo ang gabi’y may kamandag na nakatago, pawisan ang magdamag sa gitna ng dilim, ang alumpihit ng sakit ay bumubulong sa kawalan ikinukubli ng daing sa mahinang alulong ng aso ang panghihilab, nakakaskas ang bituka sa loob habang binubutasan ang bawat pusong doo’y nakadungaw nataranta ang butiki sa bubong nang biglang humugong ang ingay sa labas, nagpaiwan ang hapdi ng sikmura sa kabataan ng gabi naghintay sa ihip ng hangin ang mga nagulantang. Kung may yumakap na lamig ay hindi mahihintakutan yayakapin ding katulad ng puting lampin sasariwain ang alaala ng paglalambing habang tumutulo ang luha sa mensahe ng hangin. Ayaw kong nagsusulat ako tungkol sa tagumpay ng buhay sa lungsod. Ayaw kong makita ang aking sariling nakikisakay sa agos ng siyudad, ayaw kong tuluyang maglaho sa aking utak ang pangarap na ako’y makapaglalayag at makapagturo sa bundok sapagkat sa isipan ko na lamang binubuhay ang hibang na mithiing ito, sapagkat dito na lamang ako nakakakita ng mga larawang hindi kayang ipinta ng mga paaralang nasa lungsod. Ang mundong ito ay malayo sa aking hinagap, kabaliktaran sa mga tawanang nabubuo ko sa aking panaginip, kabalintunaan sa mga putik na nilalaro ko sa aking haraya, ibang-iba sa mga damong aking nasasagi tuwing ako’y lumulusong pababa sa bundok kasama ang aking guniguni. Ang pagsasama’y may halong libak, may ngitngit sa mata ng iba ang bawat tagumpay na iyong makukuha, may siklot sa diwa ang anumang papuring matatanggap, may poot sa puso ang anumang balak na matutupad, ang mga ngiti ay may halong pagbabadya sa anumang gantimpalang nasungkit. Ang paaralan sa lungsod ay isang malaking arena ng buhay, isang napakalawak na boxing ring na kailangan mong tumayo kung ikaw ay natumba at kailangan mong lumaban upang magwagi. Nawala na ang totoong kinang ng tagumpay, binalot ng sidhi at inggit. Naglaho na ang ganda ng samahan, kinain ng galit at panibugho. Nagpapabango pala sa lungsod ang mga dadalawahin at tatatluhing titik, marahil kung nasa bundok lamang ako’y hindi makauunawa ang aking mga mag-aaral sa bawat ipinahahayag ko kung nakakabit na sa aking pangalan ang Ph. D at Ed. D. Nais kong muling bumalik sa aking mga pangarap, nais kong muling sumakay sa pakpak nila at dalhin ako sa mga panahong ako’y nagdedesisyon sa buhay, sa mga panahong kailangang-kailangan ko ang gabay, sa mga panahong natutuwa ako sa tunog ng kalikasan at sa halakhak ng aking magiging kaguro sa taluktok. Sa bundok ang kailangan mo lamang makamit ay ang mga salitang, salamat teacher dahil naintindihan mo ang aking pagliban, salamat sir dahil binigyan mo ako ng tsinelas, salamat po dahil pinakain niyo kami at walang katapusang pasasalamat. Hindi nila maiintindihan ang antropolinggwistika ng wika, hindi nila mawawaan ang lexicon, ang dulog arketipal, teoryang imahismo, ang marxismo. Ang mahalaga sa kanila’y bayabas, mansanas, mangga, at tinapay. Ang totoong laban ng edukasyon ay wala sa kung ilan ang nakatapos ng doctoral degree sa mga guro, wala sa kung ilang beses naparangalan ang paaralan na pinakamahusay sa National Achievement Test, wala sa mga infrastraktura at gamit ng paaralan, wala sa pagsungkit ng mga medalya sa National Schools Press Conference, ang totoong laban ay nasa ugali ng bawat mag-aaral kung sila ba’y magiging isang responsible at mabuting mamamayan sa mundong ating ginagalawan at sa kanilang paglabas sa kamay ng guro at paaralan, sila ba’y magiging anak ng Diyos na nangangalaga sa kapakanan ng kanyang kapwa. Pipilitin kong umukit ng isang kasaysayang naiiba sa lahat, ipauunawa ko sa mundo na ang layunin ng DepEd na Education for All ay hindi lamang sa parisukat ng mga mauunlad na bayan kundi maglalagos patungo sa mga sityong hungkag sa kaalaman (kagaya ng sa amin), ipipipilit kong ang Quality Education na nakasulat sa bubong at alulod ng mga paaralan ay hindi lamang sa mga batang isinilang sa isang maalwang pamumuhay bagkus sa mga kabataang agaw-buhay na naglalako ng sampagita at basahan sa kalsada, lalong paiigtingin ang Kariton Education, salamat kay Efren, ang Alternative Learning System ay pagtitibayin, isusulong ang karapatang makapag-aral kahit sa pinakasulok ng lupalop ay ipapaskil at ididikit ang mga katagang Edukasyon ang Solusyon. Para akong may posisyon kung magsalita, napakakapal ng aking mukha na sabihin ito, ngunit kailangan, simpleng guro akong nangarap magturo sa bundok, dinala sa lungsod at ibinala sa kanyon. Ayaw kong magturo sa magulong pamumuhay sa siyudad ngunit dahil nasa laot na ako at basang-basa na sa kahalayan ng uri ng pamumuhay ay dito ako magsisimula, ipapakilala ko ang nayon sa lungsod, ang luma sa bago, ang tradisyunal sa moderno, ang putik sa semento, ang kalabaw sa dolphin, ang karusa sa LRT, ang panghinaharap sa kontemplatibo, ang paglalarawan sa descriptiv, at ang manila paper sa powerpoint. Nauunawaan ko na kung bakit ayaw sa akin ng aking nayon, higit pa’y mas nauunawaan ko na rin ang daloy ng aking buhay, ang pagsalpok niyon sa mabatong dalampasigan, ang pagpaimbulog nito sa gitna ng tagumpay, ang paghawan nito sa landasing nais pang tuntunin ng iba. Marahil sa mga darating na bukas, mga bilang ng araw at taong malalagas ay ibubulong sa akin ng Panginoon kung bakit ang aking pangarap ay nababasag, kung bakit ang una kong mithiin ay naglalahong parang bula. Sa landas na kanyang inihanda ay alam kong Siya’y may malaking biyaya at tatalunton ito sa landasing minsan ko ring naging ilaw, sa hangganan ng langit ako’y magbabalik, muling mangangarap at magtuturo para sa isang mas maliwanag na bukas habang sa alapaap ng aking utak ay naglalaro ang awiting goobye my titser, gudbay mula sa mga wasak ang ngipin, labas-masok ang sipon, punit-punit ang mga damit at dilat ang malalaking mata.

KAHAPON HANDOG KO SA AKING IKA-26 NA KAARAWAN

Kasama ang mga ulilang tala, Ang alingasngas ng mga uhaw na gamo-gamo Dinuduyan ng nakaraan ang mga hilaw na pangarap Kakawang-kawang sa gitna ng sandamukal na putik, Lalambi-labitin sa tugatog ng pangungulila, Habang tinatangay ng ugoy ang mga nilulumot na bakas ng kahapon Sinusunog ng nag-aalab na damdamin ang lunggating hindi naaaninag at kailanma’y di maaaninag. Lumilipad ang mga alipato ng abong mithiin, dahan-dahang tumutugpa sa malawak na dawag ng kawalang patunguhan… Ngunit ang dating nabukbok na mga alaala, Ang lumang tanikalang gumagapos sa nagkagutay-gutay na isip, Ang kalawanging kahapong pinarupok ng pagsubok, Kasama na ang inaanay na paniniwala’y pinalitan ng pag-asa. Sa ika-26 na taon ng pakikibaka Muling tatanaw sa laot ng pag-iisa ngunit may aliwalas na mukha sa pagharap ng sigwa, Muling magtatampisaw sa matabang na batis ng tagumpay ngunit hindi magpapakalunod, Kasamang sisikat sa ika-26 na taon ng pakikitilad Ang ginintuang pusong handang sumuong sa hamon ng panahon, Ang nahubog na pananampalataya sa gitna ng nakalululang mga banta.