Wednesday, November 2, 2011

Sa Hangganan ng Langit…
Papel na isinakatuparan ng M.A.T -Filipino I para sa Antropolinggwistika, Sikolinggwistika at Sosyolinggwistika ng Wika


I.Tikatik Ng Ulan ( Unang Bugso ng Paglalakbay)

Ginising ako ng unang text, ng pangalawa, ng pangatlo. Hanggang sa binasa ko ang sunud-sunod na mensaheng naggigitgitan sa aking cellphone.
“Chard, asan ka na?”
Nagtext si Ardie. Maghihintay daw siya sa terminal ng YBL. Ngayon ang araw ng aming pananaliksik at pangangalap ng kaalaman hinggil sa Wikang Bagobo. Ngayon ang kinasasabikang araw na matagal nang pinagpalanuhan at pinagpulungan ng M.A.T Filipino.
Makulimlim ang bati ng umaga, ni hindi nagpakita si haring araw upang salubungin ang magandang umagang hindi lamang ako ang nasasabik ngunit pati na rin ang aking mga kaklase. Nauna pa akong dumating sa terminal ng bus, akala ko’y nandoon na si Ardie. Wala pa pala siya, wala pa pala ang pinakamaingay na nilalang sa balat ng lupa. Manaka-naka ang buhos ng tao sa terminal ganun din ang bugso ng ulan. Pagkatapos ng ilang minutong pagkakaupo ay naaninag ko si Ardie. Nagmamadali siya, ewan kung sino ang nagpapabilis ng kanyang ikinikilos ng umagang yaon. Siguro ang mga kasamahan naming naghihintay na sa Isulan at marahil kami na lamang ang kulang para makaalis na papuntang “Langgal.”
Habang naroon kami sa loob ng bus ay iniisip ko ang gumigitaw-gitaw na larawan ng “Langgal” sa aking utak. Naglalaro ang lugar na ito sa aking guniguni. Marahil ang lugar na ito ay isang paraiso, tahanan ng mga taong may ginintuang kalooban at Manobong payapang naninirahan sa patag…Oo, sa patag na lugar na aming pagtatanungan ng mga kaalamang bayan, ng mga kaalaman hinggil sa kanilang wika, ng mga kaalamang hinggil sa kanilang buhay, ng mga kaalamang hinggil sa kanilang kultura.
Maitim ang kalangitan at bumubuhos ang luha ng ulap nang umagang yaon. Patak-patak na dumadampi ito sa bintana ng bus. Dumadampi, dumidikit at nahuhulog ang bawat butil ng luha ng ulap. Pinagmasadan ko yaon. Tiyak magiging masaya ang aming pahglalakbay dahil umuulan. Magiging maganda ito dahil hindi masusunog ang aming mga balat, hindi maluluto ang aming mga pisngi, hindi kami kakain ng mga alikabok dahil nga umuulan.
“Sir, Ardie, asan na kayo? Kasama ba kayo ni Sir Richard?”
Kanina pa naghihintay ang aming mga kasamahan. Naroon na silang lahat at handa ng makipagsapalaran patungong “Langgal”, patungong paraiso, ang tanging kulang na lamang ay si Sir Dardo, ang aming guro. Dadaanan na lamang daw siya sa Bagumbayan. Dadaanan na lamang daw siya sapagkat kararating niya lamang mula Cebu.
Nang Kami’y makarating, bumili ng sapote, cellophane at kung anu-ano pang pwedeng panakip sa katawan ang aming mga kasamahan upang hindi mabasa ng ulan. Kanya-kanya kami ng istilo upang hindi kami lamigin sa paglalakbay. Handa na ang skylab na magdadala sa amin sa pusod ng Manobo. Habang kami’y sabik na makaalis, hindi maiiwasan ang mga katawa-tawang bagay na aming ginawa, lalo na si Ardie sa kanyang pagsakay sa skylab (unang subok pa lamang kasi niya)
Wala akong panakip o panangga ng ulan. Handa na kami sa kakaibang paglalayag sa bituka ng bundok, sakay ng isang kakaibang bagay, ang skylab.
II. Skylab: Sasakyan ni Kamatayan (Ikalawang Bugso ng Paglalakbay)

Dalawang beses pa lamang akong nakasakay ng skylab. Pangatlo ito. Ang pangalawang pagsakay ko ng skylab ay nasa sampung metro lamang ang layo. Nagdadalawang isip ako ngayong ikatlo kong pagsakay dahil hindi ko alam ang layo ng babagtasin, ang daang tatahakin at kung ilang lubak at bato ang pipidpirin. Handa na kami. Balot na balot ang iba, ang iba’y kapit na kapit sa kanyang katabi, ang iba naman ay maligayang-maligaya.
Sa una’y hindi masakit ang iyong binti natutuwa ka sa bawat umpog ng daan at sa bawat baku nito ay maliligayahan ka. Masaya ang unang pakiramdam, maluwalhati ang takbo nito. Langhap mo ang simoy ng hangin. Mula sa terminal ng “Langgal” patungong palengke ng Isulan hanggang sa lumusot kami sa medyo mahabang tulay na may karupukan at kalumaan na.
Parati akong nagtatanong kung nasa Bagumbayan na kami. Espesyal kasi ang pangalang ito sa aking pandinig at para bagang may malaking puwang ito sa aking puso. Palinga-linga ako habang binabasa ang karatula, mga palatandaan na kami’y nasa Bagumbayan na. Mga mahahabang damo, makakating tubo,
malalawak na sakahan, mga karaniwang tahanan ang bumungad sa amin sa bayang ito. May kasalatan sa materyal na pangangailangan ang mga tao rito.
Sa di-kalayuan ay nag-aabang sa kanto si Ginoong Dardo. Tanaw namin ang kanyang pananabik at sa kanyang mga mata ay nakita ko ang simula ng isang makabuluhang biyahe.
Wala mismong kaba sa aming paglalakbay sa Bagumbayan ngunit nang kami’y paakyat na sa dalisdis ng bundok para kaming nakasilip ng mga eksena sa “Avatar.” Matatayog ang mga bundok, malawak ang mga burol na sumasalamin sa mayaman nilang paligid. Sa muli, wala muna kaming kaba dahil maayos at konkreto pa ang daan hanggang sa Tukitok.
Hinahalikan ng mga hamog ang kabundukan na siya namang sinasalubong namin. Malamig ang hangin...napakalamig ang bawat dampi nito (dahilan upang sumakit ang aking tiyan) para kang dinuduyan sa gitna ng kagubatan. Pakiramdam ko’y nakarating na ako sa langit, wala kang maaaninag sa bandang kanan dahil nababalutan ito ng mapuputing hamog at mga kristal na tikatik ng ulan. Nagsimula na kaming mangamba. Madulas ang daan, makitid at makipot, baku-bako, malaki ang mga batong naglipana sa daraanan, lubak-lubak. Kahit anong oras maaari kaming mamatay, maaari kaming mahulog sa bangin, maaaring ang pagsakay namin sa skylab ay ang huling paglalakbay na magagawa namin. Pumipikit kami sa bawat lubak, sumisigaw sa bawat umpog, hindi namin alam kung paano namin sasabihing tama na. Uuwi na kami.
Hindi lang basta nakakatakot ang daan, hindi lang basta nakakapanginig ang mga bangin kundi nakamamatay pa. Nagrereklamo si Sir Dardo at marahil natatakot na rin dahil nasa likod ko lamang siya kaya rinig na rinig ko ang bawat pabulong na panalangin. Marahil totoong ang aming paglalakbay ay isinumpa. Umuulan pa man din at ang daa’y maputik na maputik. Nakakatawang isipin na ang panahon ay hindi nakisama sa amin. Mabuti na lamang bihasa ang aming driver, bihasang magpainut-inot sa daan, bihasang lusutan ang malaking tipak ng bato at banging kumakaway. Napigtas ang tsinelas ni Ardie, napapasigaw si Sir Dardo, nakukulubot ang mukha ni Marivel, halos umiyak si Maam Castroverde at Maam Evangelista. Umiinot ang puwit ni Maam Mimi at kapit-tuko si Maam Febe.
Narating namin ang hangganan ng langit, ewan kung nasaang sulok na kami ng Pilipinas o bahagi pa ba ito ng Pilipinas? Mukhang ginalugad namin ang pugad ng bundok at ang pusod nito. Mukhang nalisya namin ang bituka ng kanayunan. Nagtataka kami kung bakit nakakaya ni Maam Linan ang ganito kalayong paaralan. Nagtataka kami kung bakit naririto siya at nagtuturo, kung bakit hindi niya pinili ang mga paaralang nasa patag, kung bakit sa lupalop na ito siya napadpad. Marahil napakalalalim ng aming iniisip at marahil ito na ang una at huli naming pagpunta sa hangganan ng langit na kung tawagi’y “Langgal.”
Sa sandali naming pagtahak ng daan patungong “Langgal” ay natagpi at natahi sa aming isipan ang isang pasasalamat. Pasasalamat dahil kami ay mas mapalad kaysa sa mga taong naninirahan dito, pasasalamat dahil mas nakaaangat kami sa buhay, pasasalamt dahil mas malawak ang aming opurtunidad upang kami ay magpatuloy sa laban ng buhay.
Mag-aalauna na ng kami’y makarating sa bahay ni Maam Linan, iniisip namin ang aming gawain. Hindi ang makapunta sa “Langgal” at magpakabundat. Hindi pa kami nangangalahati sa aming misyon at ito ay ang pagpunta sa mga Manobo at pag-alam sa kanilang kultura’t wika.
III. Paglalayag sa puso ng mga Manobo ( Ikatlong yugto ng paglalakbay)
Mamasa- masa ang lupa, ganun pa rin. Ang araw na ito ay araw ng pag-ulan sa Rehiyon 12. Mula Koronadal hanggang Senator Ninoy Aquino ay lumuluha ang langit. Hindi ako nakapanood ng balita kung kaya hindi ko alam kung may pumasok na bagyo o may papasok pa lamang na bagyo sa Mindanao.
Binilang ko and gulod ng burol, tatlong umbok ng burol ang aming babagtasin upang makarating sa tahanan ng mga Monobo. Hindi lamang ako ang nadulas ng hapong yaon, kasama ko si Mimi na nalaman naming nagpa- CS pala at dumaan sa ligation process ngunit buo ang loob na sumakay ng skylab nang mahigit tatlong oras at pumunta sa tahanan ng mga Manobo na dalawang beses na nadapa dahil sa malalugaw na putik. Si Ardie rin pala, parang bola ang kanyang puwit ng umumpog ito sa malambot na lupa. Ewan ko kung nadapa rin si Maam Kusi at Maam Jose dahil nauna sila sa amin.
Una naming namalas ang munting saluysoy o batis sa paanan ng burol. Malamig ang tubig na wari bagang nanggaling sa loob ng refrigerator. Hinugasan namin ang aming mga tsinelas, ang nakakatawa ay may isang gulod pa kaming aakyatin at ganoon parin kung huhugasan namin ay mapuputikan lang din naman.
Sinigawan ni Sir Robert at Kagawad ang mga Monobong nasa kabilang ibayo ng bundok. Hindi ko matandaan kung ano ang kanyang isinigaw ngunit nangangahulugan itong “ Pumunta kayo rito. Nandito na kami.” Hinanap namin ang sentro ng kanilang munting nayon upang doon kami makapagtanong hinggil sa kanilang buhay,wika, kultura, pamilya at pagkatao. May mga natatakot, may mga naninibago at may mga nagtatago ngunit ng makita nilang may dala-dala kaming pagkain bigla silang dumungaw, nagkapal-kapalan ng mukhha, nagyabang-yabangan na animo’y hindi natatakot.
Punong-puno ng sipon ang mga batang nakapaligid sa amin. Patak-patak ang ulan na nakakaistorbo sa aming pagtatanong. Pito ang lumikha ng bilog na siya naming ginisa ng mga katanungan. Napansin ko agad ang kanilang mga ngipin- mukhang kalawangin na wari ko’y hindi nakatikim ng sipilyo o hindi alam kung ano ang lasa ng Colgate o ng Close-up o ng toothpaste sa pangkabuuan. Ang kanilang mga mata ay malamlam at mahaba ang pilik matang nagpapatingkad sa kanilang payat na anyo. Ang mga matatanda’y hindi masyadong nakauunawa ng Hiligaynon, ni hindi sila nakapagsasalita ng Filipino o Tagalog ngunit kanila itong nauunawaan.
Narito ang aming natuklasan hinggil sa kanilang pamumuhay, kultura, wika, relihiyon at personalidad, manapay narito ang antropolinggwistika, sikolinggwistika at sosyolinggwistika ng wikang kanilang kinamulatan.
1. Na sila’y makabagong Manobo na. Hindi na sila naniniwala sa mga espiritu, anito at mga diyos ng hangin, bato at palay. Sila’y nabibilang sa tradisyong inagaw ng modernisasyon ang kanilang paniniwala.
2. Na sila’y may mga pinag-aralan na. Dahil sa malawakang kampanya ng gobyerno na Education For All, ang mga kanugnog bukid , taluktok ng bundok at malalayong nayong katulad ng sa kanila ay nahahtiran ng mga kaalamang nagagamit nila sa kanilang pamumuhay. Iginagalang na nila ang pasya ng anak sa kung sino ang dapat mapangasawa at maging kabiyak. Sila’y may kaalaman na rin sa mga bagong teknolohiya at gamit. Nakatutuwang isipin nagiging liberal na ang kanilang mga pag-iisip dahil ito sa natamo nilang edukasyon.
3. Na sila’y may mga katutubong yaman na kailangang ingatan at palaguin. Mga panitikang bayan at mga awiting katutubong tulad ng “oy-oy” at iba pa. Sinasalamin ng mga panit ikang ito ang mayaman nilang kultura na naging tulay nila sa kanilang pakikipagkapwa-tao.
4. Na sila’y salat pa rin sa buhay. Mga bahay na gawa sa kawayan,patpat at yantok at ang tanging kabuhayan nila ay ang pagsasaka. Sa loob ng labindalawang oras ay kinakailangan nilang bunuin ang walang puknat na pagtatrabaho at tamang paggabay sa pamilya at mga anak.
5. Na ang kanilang kultura, pag-aasawa, pamumuhay, panliligaw at relihiyon ay kanilang namana na patuloy nilang binabago upang maiwasan ang masasamng ibinubunga nito at mapanatili ang magagandang aspeto nito. Dahil sa unti-unting pag-abot ng tulong ng pamahalaan, sila ay nabibigyan din ng karapatang mabuhay dito sa mundo.
6. Na ang kanilang wika’y unti-unti nang namamatay. Nahahaluan ng ibang dialekto sapat upang sabihing hindi na puro Bagobo ang kanilang sinasabi ngunit ganito ang batas ng wika kailangan niyang manghiram upang manatiling buhay sa bibig ng mga tao. Sinasabing ang isang wika ay patay kung hindi nakakaabot sa dalawang libo ang nagsasalita nito. Ayaw mangyari ng mga Manobo ang ganitong bagay kung kaya ipinamamana nila ang kanilang wika sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan araw-araw.
IV. Pagkahulog ng Dahon (Ikaapat na Bugso ng Paglalakbay)
Ang bawat paglalakbay ay may katapusan, katulad ng dahon sa sanga, pagkatapos makipaggitgitan sa init, hangin at ulan may panahong kailangan na nitong bumitiw sa tangkay, mamaalam at tuluyang mahuhulog sa mapayapang lupa. Ngunit sa bawat paglalakbay may mga kaalaman tayong mababaon at madadala, mga kaalamang napitas natin sa gitna ng saya, hirap at pagpupunyagi . Ang mga aral na ito’y kailanman ay hindi magmamaliw at kukupas, tulad ng dyamanteng patuloy na kikinang sa ating mundo.
Ganoon din sa aming ginawa, pagkatapos suungin, bagtasin, baybayin at harapin angmga nakamamatay na landas, bangin at putik may nakuha kaming kaligayahan. Kaligayahang madadala at maaari naming gawing isang-aral. Aral na lilikha ng munting pagbabago sa aming buhay.
Ang karanasang ito ang nagturo sa akin kung paano lumaban, hindi dahil sumakit ang aking tiyan ngunit dahil hinarap ko ang iba’t ibang sitwasyong agaw-buhay. Para sa amin, ang karanasang ito ay isang pagbungkal ng kaalaman at pagkatuto na ang bawat tao sa mundo ay may karapatang mag-aral at mamuhay. Na ang bawat nilikha ay kailangang lumaban sa mapanghamong mundo upang manatiling matatag at matibay sa gitna ng unos.
Habang sakay ng skylab papauwi sa lunsod may mga katanungang nagsasalimbayan sa aming utak. Kailan kami makakabalik? Makakabalik pa ba kami? Bakit kinaya ng mga tao ang mabuhay dito? Kami, kaya sampu ng aking mga kasamahan, kaya rin ba naming mabuhay dito?
Dinadala ng bawat dampi ng hangin ang mga katanungang ito sa aking utak ngunit ang mga karanasang aming nabuo sa “Langgal” ay nakaukit sa puso na hinding-hindi mabubura ng panahon. Salamat dahil may asignatura kaming hindi lamang sa apat na sulok ng klasrum kami natututo kundi sa realidad at sa malawak na mundong pilit naming binubuksan at pinag-aaralan. Salamat kay Sir Dardo dahil hindi niya hinayaang matunaw ang aming pinag-aralan sa aklat, amin pa itong isinabuhay. Salamat dahil kabilang ako sa M.A.T-Filipino na bukod sa matatalino ay buong puso pang nagpapahalaga sa wika, panitikan at kultura ng bawat liping Pilipino.
Paalam. Hindi ito ang huling pagkakataong maglalakbay tayo M.A.T-Filipino..ito pa lang ang simula at higit sa lahat salamat dahil sa inyo narating ko, natin ang HANGGANAN NG LANGIT...

Tuesday, November 1, 2011

Pinitas na Dunong



Matagal-tagal na rin akong hindi nakapagsusulat.Ngunit sadya yatang dumadaloy sa aking dugo ang kapangahasan at sa kapangahasang yaon ay natuto akong mamuna at magpahalaga sa laban ng buhay.Limang buwan na akong guro sa pampublikong paaralan, marami akong natutunan at matututunan pa...Ibang-iba ang sistema.Sa limang buwan ko rito masasabi kong napakalawak ng aking tatahakin at maraming mga bato ang kailangan pang hawanin, ang landasin ay maputik at matarik ngunit sa tulong ng Maykapal ay mapagtatagumpayan ko ang anumang hamon...Sa ibaba'y isa sa mga napitas ng aking utak habang ang aking mga mag-aaral ay sumasagot ng aking quiz, ako nama'y naglalakbay sa mundo ng hiwaga...





At Kami’y Sasayaw sa Indayog ng Hangin….


Nilalaro ng guro ang yesong nasa kamay, habang ang iba’y napupudpod
Sa sahig at sa gilid ay nagsusumiksik, mangilan-ngilan na lamang ang yesong andoon nakatago,
ang kanyang bulsa’y pinuno ng alikabok at wala ni piso ang doo’y nakupkop,
Sinulat ang salitang buhay, binaybay ang salitang utang, dala-dala sa isip ang problemang bigkis-bigkis,
Kinuha ang panyong nilalagom, ipinahid sa noong may pawis na nakakanlong,
Iniisip, bukas bayaran na naman ni Jun-jun at ang kuryente bukas na bukas kailangang asikasuhin,
Nilakad ang dulo ng klasrum, ipinukol ang tingin sa dahong naitapon,
May hanging dumampi sa pisnging uhugin, sa tipak ng yeso’y bigla siyang napuwing
Umubo sandali at kinusot ang mata hanggang sa napaluha’t naisip ang asawa,
May cancer nga pala ang kanyang Hilda at ang Inay ay naroroon at nacoma
Biglang bumuntong hininga at sa hangi’y biglang ngumiti,
Kaysarap sumayaw sa bulong ng dayaray at humikbi sa indayog ng kapighatian.
Lumakad, bumalik sa pisara handa ng magsalita pagkatapos ng pagpapakopya,
Ipapaliwanag na niya ang kuwentong “Ang Buhay ay Masaya” at pangangaralan
Isa-isa ang mga batang huwag sumuko sa laban at sa buhay ay maging matibay
Mapuputol sandali ang kanyang pagsasalita, at dudura sa labas ng bintana,
May dugong bumara sa lalamunan, matagal na pala…di bale at bukas ay handa na ang pay slip
May 850 pa palang doon ay masusungkit, pantawid sa isang buwang pagtitiis.