Tuesday, June 16, 2009

Pananabik

Marami akong pinanabikang bagay. Mga bagay na marahil ay bahagi ng aking buhay. Marami akong namimiss sa buhay, lagaslas ng batis na pinakikinggan ko tuwing dumaraan sa maliit at makitid na sapa na kailangan kong tawirin upang ako ay makarating sa panulukan ng aming paaralan, dalisdis ng bundok na piping saksi ng aking kalikutan noong ako ay abnormal pa sa kabalighuan ng mundo, ang puno ng bayabas na humubog sa akin kung paano mangarap...tuparin ang pangarap na yaon...at ialay ang mga pangarap na yaon, sa kanyang mga sanga ay natuto ako kung paano maging maingat, kung saan ako hahakbang at paano ako kikilos. Ang puno ng bayabas ang nagturo sa akin kung paano maging matibay sa bawat hamon ng buhay, kung paano ako maging malakas sa bawat unos na kakatok sa aking magulo at makulay na mundo. Namimiss ko ang mga bagay na ito, mga bagay na babaunin ko sa aking patutunguhan, sa aking pupuntahan. Isa na nga akong bagong nilikha. Nararanasan ko na ngayon kung paano umibig, kung paano ang umasa, kung paano ang magtiis. Isa pala itong pangako, isang panuntunan sa buhay. Tulad ng aking mga karanasan sa buhay na nagsisilbing malaking punyal na umuukit sa aking puso tuwing nakalilikha ako ng isang kamalian nawa ang pag-ibig na nararamdaman ko ngayon ang magdadala sa akin tungo sa matagal ko nang hinahangad na kaligayahan.


P.S Maligaya ako ngayon kahit hindi matutupad ang nais ko sa kanya. Nagpapasalamat ako sa kanya dahil hinuhulma niya ako kung paano maging isang tunay na tao.

Friday, June 5, 2009

SA BUHAY NA ITO.....

Para ako ngayong ibon...lumilipad nang malaya at nakagagalaw nang may ngiti ang puso. kahit ba nararamdaman ko ang unti-unting pagbabago at pakikitungo sa nag-iisa kong buhay at pag-ibig ay nararamdaman ko ang bigat ng aking puso. Gusto kong makausap siya lagi. Gusto kong kasama ko siya araw-araw, hindi ako nagsasawa. Gusto kong bumalik ang dati naming samahan, hindi nagkakailangan, hindi nahihiya sa isa't isa..Sa bawat araw na nilikha ng Diyos ay natuto akong magtiis at humanga sa kanya, nangangarap at nasasabik sa kanyang mukha..Alam ko na kabaliwan na ang nararamdaman ko, hindi na ito tama...Hanggat kaya ko pang magmahal at alagaan siya ay gagawin ko...hanggat ang puso ko ay tumitibok iaalay ko ito sa kanya...hanggat ang pangarap niya ay hindi pa nakakamit, narito ako at nakatayo sa kanyang likuran. Hindi ko kailangan ang sagot niya o kung gusto niya ako, ni hindi ko tinitingnan kung kaibigan lang ang turing niya...hindi na ako umaasa dun...ang mahalaga, maligaya ako sa bawat nakakamit niya...natutuwa ako, kahit nasasaktan...para sa kanya ang lahat ng aking ginagawa at di siya kailanman mapapalitan sa aking puso, dumaan man ang maraming tukso...Sa kunting panahon ay nabago niya ako at mababago pa...Lagi siyang laman ng aking dasal, araw-araw, gabi-gabi...