Saturday, March 21, 2009

Ang Aking Mundo

1. Tula at Kuwento

- Naisusulat ko ang hindi ko naipapalabas sa personal. naging sandigan ko ang pluma at papel bilang instrumento sa pagbabago ng aking sarili, upang matamo ko ang kaligayahang aking nararamdaman.

2. Pagbabasa

- Ibang mundo ang aking nalalakbay, sinusuyod ko mula sa pusod ng mundo ang mahihiwagang bagay na nililikha ng tao. Napapalapit ako sa imahinasyon, sa mundo ng pag-asa, nakalilipad ako sa pangarap at nakakawala sa kadena ng madugong katotohanan at realidad.

3. Pagtuturo

- Para bagang isang bagong nilikha ang aking nakikilala sa bawat araw na ako'y nagtuturo, pinapaalab ng aking puso at adhikain ang paniniwalang ang Guro ang tagahubog ng mundo! Sinisilaban nito ang aking panaginip na sana bukas, panibong mundo na ang aking makikita.. nagkakaisa, payapa, mapagmahal at nagtutulungan.

4. Paghanga

- Minsan lang akong humanga sa tao..Sinisigurado ko na karapat-dapat hangaan at saluduhan ang isang nilalang kung ipinakita niya sa akin ang aspeto ng pagbabago na malayo at hindi ko kayang magawa.. Humahanga ako sa taong wala at malayo sa aking katangian, lubos pa, pinangarap kong maging katulad nila...nguni't hindi ko maaaring balewalain ang aking sarili dahil masaya na ako kung ano ako at sino ako, ang kulang na lang ay yaong may magmamahal sa akin at tatanggapin ang aking pagkatao nang buong-buo.

5. Talino
- Ang nais ko'y matalino lahat ng tao, para bagang uhaw na uhaw ako sa katalinuhan, sabik na sabik na mapasaakin upang ito'y aking magamit sa tama at sa aking pagtuturo..Ito ang puhunan ko sa pakikipagkapwa kahit na ba, minsan inuuna ko itong tingnan kaysa sa pag-uugali ay nakikita ko pa rin ang kabutihan ng mga taong minsan ko nang nabansagang matalino...

6. Bundok
- Ito ang kanlungan ng aking pangarap, tagahubog ng aking bukas, inspirasyon sa aking paglalakbay. Dito ko ibabalik lahat ang aking mga pangarap, dito ko iaalay ang lahat ng aking tagumpay dahil lubos akong minahal ng aking nayon, ipinakita ang pag-aaruga, pinalaki ng maayos ng aking pamilya..Sila ang aking pinagkakautangan...Sila ang aking gagantihan.

Ito ang aking mundo...Mundong malayo sa katotohanan..ito ang buhay ko...buhay na kaiba sa karamihan...Ito ang pangarap ko, pangarap na kailanman ay hindi maipinta sa bughaw na langit ngunit patuloy kong ipinaglalaban...Ang mundo at ang buhay ko ay isang sining punung-puno ng pangarap, pag-asa at pag-unlad.

Sunday, March 15, 2009

Dahil Lamang.....





Kung bakit ang pinakamatamis na nilkha ng Diyos ay siya ring pinakamasakit sa lahat...Kung bakit hindi kayang pigilan ng damdamin ang umaasong pagmamahal at kung bakit hindi kayang kontrolin ng utak ang umuusok na pagnanasa. Bakit nga ba nagmamahal ang isang tao, ngunit wala namang patutunguhan...Bakit nga ba kailangan magsakripisyo , masaktan, masugatan, madapa, mabigo, umiyak...Bakit nga ba parang sinusundot ang aking puso, inuusig, nagmamakaawa...nais ko ng sumuko, nais ko ng bumitiw, ngunit papano ko bibitiwan kung ito ang buhay ko... Pano ko kakalimutan kung ang hininga ko ay siya...Napapagod na ako, pagod na pagod sa paghihintay...ngunit ganyan di ba ang pagmamahal? pagsasakripisyo..pagtitiis... Ngunit hanggang kailan ang pagtitiis, ang paghihirap..hanggang kailan ko ito mararamdaman, hanggang kailan ito papalo sa abo kong utak, hanggang kailan ito didikit sa makata kong puso, hanggang kailan ito iinog sa akyat-baba kong buhay... Simple lang siguro ang kasagutan...Hanggang masaya ako sa kanyang piling, hanggang tumatawa ako habang nasasaktan at habang naaliw ako sa unang bugso ng pag-ibig ay magtitiis ako, maghihintay...nang tapat at totoong paghihintay, para sa kanya.. para sa nag-iisa kong buhay. Hanggang sa mahanap niya ang dahilan ng kanyang buhay...hanggang sa makamit niya ang pinakarurok niyang tagumpay ay nasa likod niya ako...tumutulak, gumagabay!....Sana hindi ako mapagod sa kahihintay, sana hindi ako mapagod sa pagmamahal, Sana hindi ako susuko, sana hindi ako mawalan ng gana, sana hindi ako makahanap ng iba, sana kasi ito na ang nangyayari ngayon...