Thursday, March 27, 2008

Bisikleta

Hindi ako marunong magbisikleta ngunit dinadala ako ng aking kalikutan sa ibang aspeto ng pagbibisikleta, dinuduyan ang aking puso sa matapat at makulit nitong guni-guni, hinahawan nito ang landasing minsan ay nabigo, nasugatan at nabalian ng buto ang sinu mang mangarap tumulay sa pagiging abnormal sa pagsakay at sa pagiging bihasa nito. Hindi ako marunong pumadyak, pumreno at sumipa, ni hindi rin bihasa sa pag-ilag sa mga liku-likong landas na tatahakin. Ni hindi ko pinangarap na minsa'y makakasakay ako ng maginhawa at lakas loob na bumabaybay sa sa garalgal at bukul-bukol na lansangan, gutay-gutay at wasak wasak na eskinita, minsan pa'y hindi ko ninais na mapagod at manigas ang aking binti dahil lamang sa kasisipa ng padyak nito. Maraming beses akong nabubuhay sa gumigitaw-gitaw na larawan ng pagbibisikleta, kesyo ayaw kong matuto dahil mahirap, kesyo gusto ko dahil...
Unti-unti sumisibol sa aking puso ang mithiing maglakbay, humulma ng mga ligaw na pangarap sa aking ganggamonggong utak, puminta ng isang marikit at malinaw na bungang-isip, mga bungang-isip na marahil ay kailangang paghirapan para maging totoo't realistiko nguni't nagbabadya ang kawalang malay ko sa buhay, ang pagka-ignorante sa lipunan at ang pagiging madulas ng aking mga pangarap. Kung lumalaki man ang lamat ng aking kawalang malay hinggil sa buhay ay lumiliit naman ang aking kahungkagang tumingin sa malawak na langit upang mag-isip at maglakbay, upang maniwala sa sarili at maging matibay, habang lumiliit ito ay lalong nadadagdagan ang pasaning gusto kong itapon sa maputik na ilog, ay hindi maaari sapagkat kailangan, sapagkat dapat, sapagkat ito'y batas ng tadhana.
Kung hahakbang akong pasulong sa anu't ano'y may humihilang pabalik sa unang hakbang, kung tumayo ng mataas at magmukhang kawayan sa gitna ng malapad na gubat sa walang kadahilana'y mababali ang gahiganteng pag-asa, masusupil ang dinamikong paniniwala at rurupok ang pundasyong saligan sa gulanit at patpating mga paa. Sapagkat ang pagsulong ay humihila ng buntot ng nakaraan at ang nakaraan ay umiindayog sa umuusad na ngayon.
Ewan ko kung bakit ngayon pa tumutubo ang mga baliw na pagnanasa upang maghanap ng naninilaw na damo sa parang, kung bakit ngayon pa, pagkatapos kong mapako ang sarili sa ilog na walang agos, agos na hindi gumagalaw, paggalaw na hindi napapansin at nakikita. Kabalintunaan man ang nakadilat ang mata habang natutulog, ang magmataas habang ika'y nagiging hukot sa pagsubok, ang magmatang lawin sa gitna ng nakakabagabag na kadiliman ay siyang unang hakbang para simulan ang pagnanais na makaalpas sa kawalang malay, sa paghahanap ng kumikinang na brilyante sa bunganga ng uling.
Ang dating bisikleta'y napalitan ng eroplano, ang dating padyak naging upuang malambot, ang bundok ay naging alamat at sumibol ang banyagang syudad. Ang pilipit na manobela'y umuugong na ngayon. Ang batas ng pangarap ay may sinusundang landas, kung tala ang inaabot minsa'y nasusungkit pati ang buwan. Ang batas marahil ay makapangyarihan sa mundo ng panaginip, sumusuong ito at ginagawang dayuhan ang sariling isip at iniiba ang nakasanayan na. Gusto kong matutong magbisikleta nguni't nananalingsing yun ng isang mas matayog na ideya, nanunuot, sumisiksik, pigilan ko ma'y lumalaban at binabali ang nauna kong prinsipyo.
Ang bisikleta ang nagturo sa akin kung paano mangarap, buuin ang mga pangarap na yun at simulang ibahagi ang mga pangarap na yun at mula sa kakawag-kawag na galaw n'yon ay ginawa nyang matibay ang susunod kong hakbang, ang lalakbayin kong daan at marahil sa di kalayuan ay hihinto ako hindi dahil sa pagod at hirap ng pagpadyak kundi kailanman ay hindi ako natutong sumakay nito...Ngunit ibang sakay ang nahabi ko dito, pagsakay na pinatatag ng panahon, pagsakay na kailanman hindi itutumba ng lubak-lubak na eskinita, na hindi kayang pigilan ng tanikalang nakapulupot sa sariling katawan at marahil bukas ay iiwanan ko ang matamis na ngiti at tutupdin ang matagal nang nabuong hangarin.